MANILA, Philippines — Sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na inirerekumenda niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bawasan ang bilang ng mga Police General sa Philippine National Police (PNP) mula 133 hanggang 25 bilang bahagi ng pagsisikap na reporma ang tinatawag niyang “isang napakataas na mabigat” na organisasyon.
“Very ano naman siya… very accepting naman siya. Iyong mga reporma na iyan is recommendatory four months from now. We’re working together with the UP College of Public Administration para makakuha ng kumpletong detalye kung paano namin mari-reform,” ani Remulla.
“Lalong-lalo na iyong structure kasi very top-heavy ang PNP ngayon. I think we have 133 generals, parang gusto kong i-whittle down to 25 para mas flat ang organization,” dagdag pa ng kalihim.
Sinabi ng hepe ng DILG na kailangang muling suriin ang 32-taong gulang na Philippine National Police Law na aniya ay nagpapahintulot sa paglobo ng bilang ng mga heneral sa loob ng organisasyon.
“Maraming heneral ngayon na walang utos. If you look at it, mayroon tayong APC – Area Police Command na wala namang tao sa ilalim nila ‘di ba? So marami tayong mga lugar na redundancies na kailangang i-trim down. It’s a 32-year old law na kailangang kailanganin ulit kaya ‘yan ang mga bagay na susuriin natin,” dagdag pa ni Remulla. RNT