MANILA, Philippines- Binatikos ni Senador Grace Poe ang Toll Regulatory Board (TRB) sa bantang pagmumulta sa sasakyang walang RFID system kapag dumaraan saan mang expressway sa buong bansa.
Sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on finance, na bago magpataw ng multa sa mga motorista, dapat pumasa muna ang RFID system sa pagsusuri hinggil sa “reliability, efficiency at interoperability.”
Aniya, maraming reklamo ang idinadaing ng mga motorista– at personal na naranasan – na hindi nakababasa ang devices sa toll gate ng RFID stickers.
Hindi nakalagay ang tunay na halaga ng remaining balance at kung minsan, hindi kaagad nailalagay “in real time” ang load sa RFID card, at hindi gumagana ang sistema kaya kailangan pang magkaroon ng manual payment.
May reklamo din na hindi naipapasok kaagad sa card ng biniling load sa e-wallet na sinasabing “in real time,” pero pagsapit o pagdaan sa toll gate, mababa ang balance kaya kailangang ibigay ang card para sa manual tapping.
Ilang buwan ang nakalipas, nangako ang TRB ng “full implementation” ng interoperability ng Easy Trip at Autosweep services nitong Hulyo upang maging madali ang pagbiyahe.
“Pero, ano nangyari dito?” tanong ni Poe.
Sinabi ni Poe na kanyang ipatatawag ang opisyal ng TRB hinggil sa depektibong RFID devices.
“Are the private operators being penalized for them?” aniya.
Base sa senador, makikitang hindi maaasahan ang RFID system sa haba ng pila sa toll booths sa mga expressway.
“The regulator and the private entities running it must fix the current RFID woes and prove the technology of cashless payment will give our motorists better travel experience than inconvenience,” giit ni Poe. Ernie Reyes