MANILA, Philippines- Nagsagawa ng panibagong seremonya si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Huwebes, para bigyang-parangal ang mga Pilipinong atleta na nakipaglaban sa 2024 Paris Olympics.
Mainit na tinanggap ni Pangulong Marcos sina Dottie Ardina (golf), Aleah Finnegan (gymnastics), Emma Malabuyo (gymnastics), at Levi Jung-Ruivivar (gymnastics) sa isang meet-and-greet sa Palasyo ng Malakanyang.
Ang apat na Olympians, kasama ang golfer na si Bianca Pagdanganan, kasalukuyan ngayong nagsasanay sa ibang bansa na kasama sa heroes welcome para sa Philippine delegation sa 2024 Paris Olympics noong Agosto 13.
Sa isang ambush interview, sinabi ng Pangulo na ang second ceremony ay naglalayong tiyakin na ang lahat ng atleta ng bansa na nagbigay ng parangal sa bansa ay mabibigyan ng kanilang “much-deserved recognition.”
Ang limang Olympians, ayon sa Pangulo ay hindi nagawang makadalo sa unang seremonya dahil sa “prior commitments” at “mix up” sa komunikasyon.
“Nung nagpa-reception kami dito, wala sila dito; nagbibiyahe, at nagkamix up, huli na ‘yung pagkasabi sa kanila, hindi na sila nakauwi.
“Kaya’t sabi namin, pareho naman yung kanilang pinaghirapan, so dapat andun din sila… Sayang lang hindi nila napuntahan yung parada, pero at least everything else ay nagawa . We’re happy, we were able to do something extra for those that did not make it to the first round,” dagdag na pahayag ng Pangulo.
Sa kabilang dako, dumalo rin sa seremonya sa Palasyo ang mga kamag-anak ng mga atleta.
Gaya ng ibang non-medalists, ang mga atleta ay makatatanggap ng P2 milyon kada isa mula sa Office of the President at Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Matapos ipagkaloob ang kanilang insentibo, naglaan din ng oras ang Pangulo para makausap ang mga atleta.
Matatandaang Agosto 13, 17 sa 22-strong Philippine Team ang nagbalik-Pilipinas at binigyan ng heroes’ welcome ng gobyerno.
Nang sumunod na araw, nagkaroon naman ng parada ang mga atleta sa iba’t ibang lansangan sa Maynila kung saan libo-libong fans ng mga ito ang nakiisa sa pagdiriwang ng bansa sa ‘best performance’ ng mga ito sa Olympics. Kris Jose