MANILA, Philippines — Nanawagan ang mga multisectoral leaders sa Zamboanga City sa National Food Authority (NFA) na agad nang ilabas sa merkado ang buffer stocks nito upang maiwasan ang posibleng pagtaas ng presyo ng bigas bunsod ng 60-day rice import ban ng pamahalaan na nagsimula noong Setyembre 1.
Sa resolusyon ng Local Price Coordinating Council (LPCC), iginiit ng mga miyembro na ang napapanahong paglalabas ng buffer stocks ang susi para mapatatag ang presyo at gawing mas accessible ang supply ng bigas.
Hinimok din ni Zamboanga City Mayor Khymer Olaso ang mga kaukulang ahensya na paigtingin ang pagmamanman sa presyo at suplay ng bigas upang makapagbigay ng agarang babala sa epekto ng import ban.
Bagama’t nananatiling matatag ang presyo ng bigas, iniulat ng City Agriculture Office ang bahagyang pagtaas na nasa P40 hanggang P50 kada sako.
Sa rekomendasyon ng Department of Agriculture, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 93 na nagtatakda ng dalawang buwang pagbabawal sa pag-angkat ng regular at well-milled rice mula Setyembre 1 hanggang Oktubre 30, 2025.
Layon ng import ban na protektahan ang mga lokal na magsasaka sa panahon ng anihan, ma-absorb ang lokal na suplay, at mapatatag ang presyo sa merkado.
Samantala, sa Gingoog City, Misamis Oriental, tiniyak ng mga opisyal na sapat pa ang suplay ng bigas.
Ayon kay Acting City Agriculturist Ram Shurab Landiza, may kasunduan ang lokal na pamahalaan at mga rice sellers sa Agora market na ipako sa P49 kada kilo ang presyo ng natitirang imported rice stocks.
Bagama’t limitado sa 565 ektarya ang taniman ng palay sa lungsod na kayang mag-ani ng tatlong milyong kilo bawat taon, sapat umano ang supply dahil umaasa rin ito sa produksyon mula Bukidnon at Agusan.
Gayunman, mas ikinababahala ni Landiza ang banta ng masamang panahon na maaaring makasira sa mga pananim sa darating na Oktubre at Nobyembre. Dahil dito, hiniling ng city government sa Kadiwa Rice at NFA na maglaan ng pondo para sa subsidy na magpapababa sa presyo ng bigas sa P20 kada kilo. RNT/JGC