ILOCOS SUR – Patay ang isang 60-anyos na municipal councilor matapos barilin sa ulo ng dalawang hindi nakilalang hitman sa Quirino Boulevard, Brgy. Tamag ng lalawigang ito kahapon ng umaga.
Kinilala ng Vigan City Police Station ang biktima na si Anthony Feraren Verzola, 60-anyos, may-asawa, residente ng Brgy. Callaguip, Caoayan, Ilocos Sur, isang municipal councilor sa naturang bayan.
Ayon sa mga witness na nakausap ng mga otoridad, kumakain ng agahan sa harap ng isang food stall sa naturang lugar ang biktima nang barilin ng isang beses sa ulo ng mga suspek.
Dalawang indibiduwal na nakasakay ng motorsiklo na galing ng timog papuntang hilaga ang sinasabi ng mga witness na nakita nilang bumaril sa biktima.
Ang biktima ay isinugod sa Ilocos Sur Provincial Hospital- Gabriela Silang ng mga rumespondeng CDRRMO personnel.
Gayunman, ang biktima ay idineklarang dead-on-arrival ng mga umatending doktor.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad para alamin kung ano ang motibo sa krimen at tukuyin kung sino ang mga salarin.
Nabatid na ang biktima ay isa sa mga political candidate para sa parehong puwesto sa darating na May 2025 national and local elections. Rolando S. Gamoso