MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senador Loren Legarda ang Municipal Fisherfolk Protection Act, na layong ideklarang eksklusibo para sa maliliit na mangingisda ang 15-kilometrong municipal waters, bilang pagtupad sa kanilang karapatang ginagarantiyahan ng Konstitusyon at upang tiyakin ang pangmatagalang proteksyon ng yamang-dagat.
Ito’y kasunod ng Mercidar ruling ng Malabon RTC Branch 170 na nagpapahintulot sa mga commercial fishing vessel na pumasok sa municipal waters na may lalim na pitong fathoms o higit pa, at pinawalang-bisa ang ilang bahagi ng Philippine Fisheries Code na nagpapahintulot sa mga lokal na pamahalaan (LGU) na magpatupad ng batas pangisdaan.
Dahil sa mga pagkukulang ng pamahalaan sa proseso, naging pinal ang desisyon, hindi dahil sa merit, kundi dahil sa procedural lapse.
Nilinaw ni Legarda na hindi reaksiyon sa nasabing kaso ang panukala, kundi pagpapatibay ng matagal nang adhikain na protektahan ang maliliit na mangingisda.
“This bill is not a reaction to a single case, but a reaffirmation of a long-standing commitment to small-scale fisherfolk,” ani Legarda.
Batay sa datos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), bumaba ang commercial fisheries production ng 25.7% mula 1.1 milyong metriko tonelada noong 2014 sa 822,427 metriko tonelada noong 2023. Bumaba rin ng 14.5% ang huli ng marine municipal fisheries.
Tinukoy din ng panukala ang matinding epekto ng illegal, unreported, and unregulated (IUU) fishing, na nagkakahalaga ng P5.4 bilyong nawawalang kita kada taon. Mahigit 107,000 metriko tonelada ng isda ang nawaala noong 2022 at 2023 sa mga ganitong aktibidad, karamihan ay dahil sa pagsalakay ng commercial vessels.
“If commercial fishing is allowed to expand further into these zones, we risk accelerating both ecological collapse and social displacement,” babala sa explanatory note.
Ipinapaalala ng panukala ang mga probisyon ng Konstitusyon tulad ng Article X, Sec. 2 (local autonomy) at Article XIII, Sec. 7 (preferential rights ng subsistence fishers), gayundin ang Local Government Code of 1991 na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga LGU na pamahalaan ang municipal waters.
Binanggit rin ang prinsipyo ng Jura Regalia, na nagsasabing ang lahat ng natural resources ay pag-aari ng estado, ngunit ang paggamit at pagpapatupad nito ay maaaring ipagkatiwala sa LGU sa pamamagitan ng batas, gaya ng ginawa sa Philippine Fisheries Code of 1998.
“And without LGUs, how can the State patrol over 2.2 million square kilometers of seas or 36,000 kilometers of coastline?” ani Legarda sa paliwanag ng panukala.
Ipinunto rin ng panukala na ang 15-kilometrong limitasyon ay hindi arbitraryo, kundi nakabatay sa aktwal na kakayahan ng maliliit na bangka at ng komunidad na bantayan ang kanilang baybayin. Sa gitna ng makabagong teknolohiya ng mga commercial vessels, hindi makasasabay ang mga maliliit na mangingisda.
“The most direct, environmentally sound, and logical way to protect them is by reserving the only area they can safely access,” ani Legarda.
Sa huli, sinabi ng panukala na ang pagbabalik ng malinaw na hangganan ay pagitan ng buhay at pagsasamantala, at ng isang batas na tunay na naglilingkod sa mamamayan. RNT/JGC