MATAPOS ang pagbahang hatid ng Bagyong Carina at ng Habagat, agad na pinuna ni Pangulong Bongbong Marcos ang basura bilang pangunahing sanhi nang pagtaas ng tubig-baha sa maraming lugar.
Hindi natin maiiwasan ang tuloy-tuloy na pagdami ng basura dahil produkto ito nang paglaki ng ating populasyon at nang humahataw na ekonomiya ng bansa. Nandiyan lang talaga ang basura at patuloy pa itong darami pero may magagawa tayo, kabilang dito ang ‘proper waste management’ at pagiging disiplinado ng bawat Pilipino. Pagtulung-tulungan na lang natin ang problema at huwag na sanang dumagdag pa rito ang iba.
Pero may nakuha tayong isang bagong impormasyon at hindi pa ito alam ng nakararami at baka pagsimulan ito ng isang napakalaking “garbage crisis” hindi lang sa Central at Northern Luzon kundi baka umabot din dito sa Metro Manila.
Biglaan na lang daw na ipinasasara ng Bases Conversion and Development Authority at ng Clark Development Corporation ang Kalangitan Engineered Sanitary Landfill sa Capas, Tarlac sa darating a October 5, 2024.
Ang Kalangitan Landfill ay pinamamahalaan ng Metro Clark Waste Management Corporation. Sabi ni Ms. Vicky Gaetos, executive vice president ng MCWM, sa taong 2049 pa mag-e-expire ang kanilang kontrata sa BCDA at CDC base na rin sa RA 7652 o ang Investors Lease Act at sang-ayon na rin sa hawak nilang ‘signed contract’, kaya nagulat sila nang ipaalam ng dalawang “base” na ‘end of contract’ na sila ngayong Oktubre.
Ang Kalangitan Landfill ay kasalukuyang tumatanggap ng hindi bababa sa tatlong libong tonelada ng basura araw-araw. Kabilang sa mga nagdadala ng basura rito ang 150 local government units at higit 1,000 ‘industrial clients’ sa Central Luzon, Pangasinan, Metro Manila, at Cordilleras, kabilang ang Baguio City.
Isipin n’yo kung ipapasara ng BCDA at CDC ang Kalangitan Landfill, saan na magdadala ng basura ang mga LGU at industrial clients ng MCWM? Siguradong garbage crisis talaga ang mangyayari.
Sa susunod na 10 taon, ang Central Luzon ay magkakaroon ng tinatayang 100 milyong tonelada ng basura subalit ang mga nasabing alternative site sa Porac at Floridablanca ay kaya lang saluhin ang 30% nito.
Ano kaya ang masasabi ng Department of Environment and Natural Resources sa isyu? Parang nananahimik yata. Baka mamaya, kapag pumutok ang krisis na ito, si PBBM na naman ang tatamaan tulad ng nangyari sa sakit ng ulo ng Pangulo nang bumaha noong Bagyong Carina.