Home OPINION NAGIGING NORMAL NA ANG KORAPSYON

NAGIGING NORMAL NA ANG KORAPSYON

SA kabila nang sangkatutak na pagbibigay pag-asa ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang linggo, nakalulungkot madiskubre na 47% ng mga Pilipino ang nasanay na sa nakalulungkot at nakatatakot na multo ng korapsyon sa gobyerno.

Ayon sa bagong survey ng Pulse Asia, mistulang tinitiis na lang ng ating mga kababayan ang perhuwisyong ito, at ang dating galit ng publiko ay lumipas na at napalitan ngayon ng pagtanggap.

Gayunman, may mga nagsasabing tingnan pa rin natin ang positibong kinahinatnan ng mga bagay-bagay. Ibinunyag ng survey na 84% ng mga Pilipino ang aminado na kailangang paigtingin ang laban kontra korapsyon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas istriktong ahensiya ng gobyerno at mga batas.

Hindi maitatanggi ang epekto ng korapsyon sa tiwala ng publiko sa mga ahensiya at opisyal ng gobyerno, at panahon nang papag-alabin nating muli ang ating paniniwala sa pamamahalang tapat, may pananagutan, at tumutugon sa mga pangangailangan. Totoo, hindi talaga natin maaaring hintayin na bigla na lamang magbago ang ating mga opisyal.

Tama lang na manawagan para sa digitalization, pero bahagi lamang ito ng sari-saring solusyon. Ang pagyakap sa kultura ng integridad at aktibong pakikipagtulungan sa pribadong sektor ay napakaimportante.

Naroroon tayo ngayon sa punto na ang pagtanggap sa masamang epekto ng korapsyon sa ating ekonomiya at karaniwang mamamayan ay mag-uudyok sa atin para sama-samang kumilos. Dapat na mabigyang babala ang pinakamatataas nating opisyal na ang kanilang mga constituents ay hindi lamang basta walang imik na mauupo sa isang sulok para habambuhay na magmukmok.

MALAMYANG PAMUMUNO

Ang saksakang kayabangang ginagawa ng China sa West Philippine Sea ay diretsahang pang-iinsulto sa soberanya ng Pilipinas. Ang patuloy na pananakot sa mga mangingisdang Pilipino at ang lantarang pagpasok ng Chinese Coast Guard at mga militia vessels sa teritoryo ng Pilipinas ay nangangailangan ng mabilisan at may paninindigang aksyon.

Totoong nakikita natin na malamya ang naging pagtugon ng ating Presidente, na mistulang nakuntento na lang sa mga pangako at pambobola. Buti na lamang, ang resolusyon ng Senado nitong Martes, na isinulong nina Senate President Migz Zubiri at Sen. Rissa Hontiveros, ay isang kapuri-puring hakbangin sa pagkondena sa panggigipit sa atin ng Beijing.

Gayunman, hindi nito iginigiit na panagutan ng China ang mga maling ginagawa nito. Ikinababahala ko rin ang malamyang pahayag ni PBBM na ang polisiyang panlabas ay nakasalalay lang talaga sa kumpas ng ehekutibo. Palusot lang ang ganitong mindset, isang kumbinyenteng alibi upang maiwasan ang kumprontasyon sa China.

Dapat na itigil ng Pilipinas ang pagiging kimi nito at magpamalas ng tunay na pamumuno sa pandaigdigang entablado. Panahon na para sa mga solidong pagpapasya, kapalit ng  simpleng diplomatic protests lamang o UNGA resolutions. Deserve ng mga Pilipino ang isang leader na buong tapang na ipinagtatanggol ang integridad at karapatan ng mga teritoryo nito. Ang kabiguang pumalag sa pambu-bully ng China ay lalo lamang nagpapaigting sa panggigipit nito.

Tigilan na sana ni Presidente Marcos  ang kanyang pagiging kimi, suportahan ang mga pagpupursige ng Senado, at gawin ang mga nararapat na hakbangin upang protektahan ang West Philippine Sea. Nakatutok sa atin ang atensiyon ng mundo, at kasaysayan ang huhusga sa ating mga gagawin—o hindi gagawin—na aksiyon laban sa isang mapang-abusong superpower.

*        *        *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.