Home OPINION HAGUPIT NI SUPER TYPHOON EGAY

HAGUPIT NI SUPER TYPHOON EGAY

NAKALABAS na ng PAR o Philippine Area of Responsibility nitong nagdaang Huwebes, July 27, si Super Typhoon Egay o may international name na “Doksuri” pero matinding epekto ang iniwan nito sa malaking bahagi ng bansa.

Pinalakas ni Super Typhoon Egay ang Habagat na nagdala ng matinding pag-ulan sa Visayas at sa Mindanao kahit na ang bagyo ay umeepekto sa malaking bahagi ng Luzon lamang.
Sa datos ng NDRRMC o ng National Disaster for Risk Reduction and Management Council, nasa 27 ang naiulat na nasawi pero kinukumirma pa ito hanggang sa kasalukuyan.
Nasawi ang mga ito sa Cordillera Administrative Region at sa Western Visayas.
Hindi pa kabilang ang nasa 27 kataong nalunod nang tumagilid at tumaob ang pump motorboat na MB Ava Express habang luma­labas si bagyong Egay sa Laguna de Bay na nasa bahagi ng Bina­ngonan, Rizal.
Patungo sana sa Talim Island ang mga pasahero para umuwi nang mangyari ang malagim na insidente. Overloaded ang motor boat dahil lumalabas na halos doble sa kapasidad nito ang sakay.
Bukod sa mga nasawi, may 43 na nakaligtas bagama’t nagtamo ng mga sugat.
Nasa 20 katao ang patuloy na hinahanap sa Cagayan Valley region at sa CAR kabilang na ang apat na magigiting na miyembro ng PCG o ng Philippine Coast Guard na sumasaklolo sana sa isang tugboat sa Aparri pero nasa Abulug pa lamang ay nawalan na ng komunikasyon sa kanila. Naganap ang insidente nitong July 26 sa gitna ng pangangalit ni bagyong Egay.
Umaasa ang pamunuan ng PCG na matatagpuan pa ang apat nitong miyembro. Ganito kadelikado ang pagsasagawa ng rescue operation, seguridad at buhay ng isang tanod sa baybaying dagat ang nakataya.
Umabot naman sa 140,923 pamilya o katumbas ng 502,782 indibidwal ang direktang naapektuhan sa labing-isang rehiyon ng bansa.
Nasa 50,000 katao ang mga nasa evacuation center, habang may 3,851 pamilya na nakitira sa mga kamag-anak at kaibigan pero binibigyang tulong ng pamahalaan.
Mahigit dalawang libong kabahayan ang nasira. Umabot sa ha­lagang Php 1.9 bilyon ang epekto sa agrikuktura habang Php 5 bil­yon naman sa imprastraktura.
Sa isang banda, dahil sa malalakas na pag-ulan, tumaas ang antas ng tubig sa Angat dam na kasalukuyang nasa 195.05 meters, konti na lamang at maaabot na ang normal level nitong 210 meters para sumapat sa pagharap natin sa El Niño phenomenon.
Pero paalala ng NWRB o National Water Resources Board, ka­tulad din ng sinasabi ng PAGASA, huwag maging kampante, magpatuloy na maging responsable sa paggamit ng tubig, dahil ang mauling panahon ngayon ay mapapalitan ng ibayo ng tagtuyot sa mga buwan ng Oktubre hanggang sa unang bahagi ng taong 2024.
At bagama’t malaki-laking bilang ang nasawi, pinapurihan naman ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ang kahandaan ng pamahalaan para sa malalakas na bagyo at kalamidad, pero sadyang may mga pagkakataon na hindi na kontrol ng tao katulad ng pagguho ng lupa at mabilis na pag-apaw ng mga ilog.
Kaya nga makinig sa mga awtoridad, lalong-lalo na kapag disaster personnel n’yo na ang nagsasalita dahil may sapat silang kasanayan, at kailangan nang lumikas. Tandaan, napapalitan ang kagamitan pero hindi ang buhay na maaaring mawala.
Hangad ng inyong Agarang Serbisyo Lady ang mabilis na pag-ahon ng marami nating mga kababayan mula sa hagupit ni bagyong Egay.

Previous articleDiskuwento sa seniors at PWDs pinatataasan
Next articleNAGIGING NORMAL NA ANG KORAPSYON