Home OPINION NAGPAPANIK SA FLOOD CONTROL PROBE

NAGPAPANIK SA FLOOD CONTROL PROBE

72
0

INAASAHAN na natin ang tindi ng ginawang paninira ngayon sa bagong liderato ng Senado. Tinatawag silang mga hudas at mga wala raw delicadeza dahil karamihan sa kanila ay mga kapanalig ng pamilya Duterte.

Haharangin lamang umano ng bagong mayorya ang kasong Impeachment laban kay Vice President Sara.

Muling gumagapang ang ilang senador para himukin ang mga kasamahan na bawiin kay Sen. Alan Peter Cayetano ang pagkapangulo ng Senado.

Pipigilan daw nila ang pagtatangka ng Cayetano group na maibasura ang Impeachment laban kay VP Sara.

Sa ganang atin ay hindi ito tungkol sa Impeachment. Ang Impeachment trial ay tiyak na mangyayari. Sinabi naman ni Cayetano na magko-convene sila ngayong araw para maghanda bilang mga Impeachment judges sa gagawing trial.

Handa na rin sa paglilitis sa kanya si VP Sara. Alam niya na mapawawalang-sala siya dahil sa butas-butas at gawa-gawa lang na akusasyon laban sa kanya. Kaya bakit pa ito haharangin?

Ang totoong ikinatatakot ng mga nasa likod ng panggugulo at paninira sa mayorya ng Senado ay ang blue ribbon committee at ang imbestigasyon sa flood control projects. Ang imbestigasyong ito ang direktang magtuturo sa tunay na ‘mastermind’ ng trilyong-pisong nakawan sa kabang-bayan.

Ito ang nais ng sambayanan na magkaroon ng linaw. Ngunit natatakot ang utak ng mga magnanakaw ng flood control budget kaya ginugulo niya ang Senado sapagkat alam niyang wala na siyang kawala sa bagong liderato ni Cayetano.

Mailalabas na ang mga totoong testigo—ang mga sundalong naghatid ng male-maletang pera sa mga mandarambong na politiko at opisyal ng gobyerno.

Ang mga akusasyon laban kay VP Sara sa Impeachment ay totoo namang seryoso, ngunit limitado lamang ang mga ito.

Pero ang mga bintang sa flood control scandal ay umaabot hanggang sa mismong istruktura ng pamahalaan. Nakatuon ito sa pambansang badyet. Bilyon-bilyong piso ang dumaloy sa pamamagitan ng unprogrammed appropriations, at sa mga proyektong pampubliko na balot ng katiwalian na hindi aksidenteng nangyari.

Sa halip, ito ay sinadyang gawin ng tila isang malaking sindikato sa ehekutibo at lehislatura.

Isang malawak na sistema na hindi lamang kinukunsinte ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. Kinasabwat pa ang maraming kasapi sa kapulungan sa katiwalian, kapalit ng mga proyektong pampubliko bilang gantimpala.

Ginamit nilang instrumento ang mga pondo para sa flood control upang magkamal ng yaman. At ang malupit pa sa kanilang sistema, ginagawa nilang pribadong yaman ang pera ng bayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here