Home OPINION NAGPATAKAS SA SOKOR NATIONAL PAPANAGUTIN

NAGPATAKAS SA SOKOR NATIONAL PAPANAGUTIN

BAGAMAN nahuli muli ang South Korean na nagawang makatakas mula sa mga tauhan ng Bureau of Immigration, hindi pa rin humuhupa ang galit ng netizens sa social media at nais ng mga ito na maparusahan at papanagutin ang may kagagawan ng pagkatakas.

Naging matagumpay man ang operasyon ng BI sa pangunguna ni Commissioner Joel Viado, marami pa ring komentong hindi katanggap-tanggap ang naipopost sa socmed kaugnay sa pagtakas ni Na Ikhyeon na may kinakaharap na mabibigat na kaso sa kanilang bansa.

Kung tutuusin, may bonus pa ang pagkahuli sa SoKor national na ito sa Angeles City, Pampanga dahil nasakote rin ng mga tauhan ng BI ang kanyang kasamang si Kang Changbeon na tumulong sa kanyang pagtakas.

Kaya galit ang netizens, sapagkat walang ginawang hakbang ang BI kaugnay sa tatlong personnel nito na nagpatakas sa dayuhan.

Sinasabing kita sa CCTV kung paano naging maluwag ang BI personnel kay Ikhyeon na hindi man lang kinabitan ng posas matapos manggaling sa korte sa Quezon City. Bukod pa ito sa pagdiretso sa sikat na Pegasus Club sa Quezon Avenue upang mag-good time sa halip na idiretso sa custodial facility.

Sabi ng barbero kong si Tata Emong, buhay milyonaryo tiyak itong tatlong bugok este tauhan ng BI kahit pa mabuko sila sa kanilang katarantaduhan dahil tiyak na ang kanilang puhunan masampahan man sila ng kaso at masibak sa trabaho.

Pero ayon sa ulat, sinibak na ni Commissioner Viado ang tatlong tauhan niya na ikinagalit pa rin ng mga sawsawera dahil hindi man lang daw sinampahan ng kaso ang mga ito.

Bakit nga ba nagagawa ng mga dayuhan na paikutin sa pamamagitan ng sangkaterbang salapi ang ating mga taong gobyerno?

Dapat bigyang leksyon lagi ang gumagawa ng kamalasaduhan sa pamahalaan upang hindi na pamarisan. Kapag naging matigas ang gobyerno sa pagpapataw ng parusa o kaya naman ay pagpapanagot sa mga manggagawa sa pamahalaan magiging maayos tiyak ang kanilang trabaho at totoong serbisyo at malasakit ang kanilang gagawin para sa maayos na bansa.