Home OPINION Z BENEFIT PARA SA OPEN HEART SURGERIES, ITINAAS SA PHP 960,000 NG...

Z BENEFIT PARA SA OPEN HEART SURGERIES, ITINAAS SA PHP 960,000 NG PHILHEALTH

ISA na namang magandang balita mula sa Philippine Health Insu­rance Corporation (PHILHEALTH), dahil epektibo simula noong Marso 1, 2025 ay nilakihan at mas pinalawak ang benepisyo para sa open heart surgeries at inilunsad din ang bagong package para sa pagsasaayos at pagpapalit ng heart valve.

Ang cardiovascular disease (CVD) ay nananatiling pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Pi­lipinas. Sa buong mundo, 32 porsyento ng mga nasasawi ay dulot ng CVDs, ayon sa World Health Organization.

Bilang tugon sa lumalalang suliraning pangkalusugan na ito, malaki ang itinaas ng PHILHEALTH sa mga sumusunod na package para sa open heart sur­geries:

1. Coronary Artery Bypass Graft (CABG) na mula Php 660,000 ay nasa Php 960,000 na, mula sa dati pang Php 550,000 lamang.

2. Pagsasara ng Ventricular Septal Defect (VSD), nasa Php 498,000 hanggang Php 614,000, mula sa dating Php 250,000.

3. Kabuuang Pagwawasto ng Tetralogy of Fallot (TOF) na hanggang Php 614,000 na mula sa dating Php 320,000.
Kasabay nito ay inilunsad din ng PHILHEALTH ang bagong Z Benefits Package para sa Heart Valve Repair and Repla­cement na nagkakahalaga ng Php 642,000 hanggang Php 810,000.

Kasama rin sa mga benepisyong ito ang mga cardiac re­habilitation packages na nagkakahalaga ng Php 15,000 para sa mga adult case at Php 6,500 para sa mga pediatric case.

Samantala, ang mga pas­yenteng may rheumatic fever o rheumatic heart disease na sumasailalim sa mga gamutang ito ay maaaring ma-enroll sa outpatient benefit package para sa secondary prevention, alinsunod sa PHILHEALTH Circular No. 2019-0005.

Maaaring makinabang sa mga ito ang mga kuwalipikadong miyembro ng PHILHEALTH at kanilang mga dependent nang wa­lang karagdagang bayarin kung sila ay naka-confine sa mga ward accommodation ng mga PHILHEALTH-contracted faci­lities sa buong bansa.

Ang mga bagong hakbangin ay bahagi ng pangako ng PHILHEALTH na gawing mas abot-­kaya at madaling ma-akses ng lahat ng Filipino ang mahahala­gang serbisyong pangkalusugan, kasa­bay ng hangarin ni President Fer­dinand “BBM” Marcos, Jr., na palawakin ang pagkakataon sa serbisyong medikal para sa lahat ng komunidad.

Matatandaan na sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address noong Hulyo 2022, binigyang-diin ni PBBM na dapat nating dalhin ang mga serbisyong medikal sa taumbayan at huwag hintaying sila pa ang pumunta sa mga ospital at health care centers.

Sinabi ni PHILHEALTH President at Chief Executive Officer Dr. Edwin Mercado na mayroon nang 131 na specialty centers ang naitatag sa buong bansa.

Para sa karagdagang impormasyon ukol sa mga benepisyo at serbisyo, maaaring tumawag ang mga miyembro sa 24/7 hotline ng PHILHEALTH sa (02) 8662-2588 o sa mga mobile numbers na 0998-8572957 at 0968-8654670 para sa mga gumagamit ng Smart, at 0917-1275987 at 0917-1109812 sa mga gumagamit ng Globe na­man.

Sa datos ng Department of Health, nasa mahigit kalahating milyong mga Filipino ang namamatay sanhi ng CVD o katumbas ng 19 porsyento ng kabuuang bilang ng mga nasasawi bawat taon.

Noong ika-6 ng Marso 2025, ang kauna-unahang Meet & Greet Press conference na na­kasama namin si Dr. Edwin Mercado, ang bagong President and Chief Executive Officer ng PhilHealth.