Home OPINION NAKAPIPIKON PERO KAWAWANG MTPB

NAKAPIPIKON PERO KAWAWANG MTPB

TWO Fridays ago, nakapipikon naman talaga ang mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau dahil kahit kapananalasa lang ng “Bagyong Egay” at binaha ang maraming lugar sa Maynila, nag-operasyon pa rin ang mga ito ay may mga sasakyan na na-clamp.

Ang totoo, nasa maayos na parada ang mga sasakyan bagaman nasa bangketa ngunit hindi naman sagabal sa daanan ng mga tao pero nilagyan pa rin nila ng clamp.

Maraming beses na ginagawa ng mga tauhan ng MTPB ang paglalagay ng clamp sa mga sasakyan na nasa gilid naman at tapat ng establisimyento na pinuntahan upang bumili o magtanong ng produkto o serbisyong  kailangan.

Sa madaling salita, ang ginagawa ng MTPB ay paggawa lang ng pera dahil kung totoo ang kanilang operasyon o talagang pagsasaayos ng mga daanan, bakit ang marami sa gawi ng Tondo, Binondo, Sta. Cruz, Sampaloc, Malate, Ermita at Quiapo na ginagawang extension ang kalye bilang mga kainan ay hindi sinisita o binibigyang tiket?

Sabi nga ng matagal na nagtratrabaho sa Manila City Hall, kailangang makipag-MOA o memorandum of agreement ang may-ari ng establisimyento upang posibleng maparadahan ng kanilang mga kliyente ang harapan ng kanilang tindahan o shop para hindi na pagdiskitahan o pag-initan ng mga tauhan ng MPTB ang mga sasakyang pumaparada sa harapan ng tindahan na itinuturing na bangketa.

Sa madaling salita, pera-pera ang usapan sa Maynila. Sa ibang kahulugan, ang mga tindahan na extended o halos nasa kalye na ay nagbabayad sa MTPB o ibang departamento sa city hall. Aba, alam ba ito ni Mayor Dr. Honey Lacuna-Pangan? Naku, si Mayora pa naman nais na maayos na kabuhayan ng mga Manileño.

Balik tayo sa ginawang operasyon ng MTPB sa Sta. Cruz kung saan ang isa sa kanilang na-clamp na sasakyan ay pag-aari ng isang koronel na sa tingin ng huli ay maayos ang kanyang pagkakaparada. Na-clamp din ang sasakyan, na matagal na pumaparada sa lugar pero dahil maayos ay hindi pinapansin ng MTPB, na kaagad na nagreklamo sa Manila City Hall.

May tinawagan siyempre ang koronel kaya mabilis na binalikan at tinanggal ang clamp. Pero kawawa ang MTPB na nagkalas ng clamp dahil katakot-takot na mura ang inabot sa opisyal na may-ari ng sasakyan. May tinawagan din ang Koronel na tila taga-MTPB na pinagmura at sinabihang “Dapat kayo ang nandito para kayo ang murahin ng mga tao. Puro mga tauhan n’yo ipinadadala n’yo dahil takot din kayo!”

O, di ba kawawa ng mga tauhan ng MTPB? Sila ang mga napapagalitan at namumura ng mga hinuhuli at naka-clamp? Iyon ay dahil sa pagsunod sa mga utos ng kanilang mga amo na pawang nasa kanilang air-conditioned na opisina.