Home OPINION KORAP IHAGIS SA BAHA

KORAP IHAGIS SA BAHA

KUNG wala o kakaunti ang korapsyon sa lahat ng flood control project, malaki na sana ang nagawa ng pamahalaan para mabawasan ang mga baha kahit saan sa bansa.

Kumikita rin sana ang maraming Pinoy sa pagkakaroon ng sahod sa pagsali bilang mga obrero sa mga nasabing proyekto.

Kaya naman, bawas na ang gutom at paghihirap ng marami, de-kalidad at kahit saan, meron na sanang mga panlaban sa baha kahit siyam-siyam ang ulan  o may bagyo at habagat.

PROYEKTO NI KONGRESMAN

Sa isang lugar na madalas nating daanan sa Central Luzon, may mga kapansin-pansin na proyekto gaya ng mga tulay na proyekto raw ng isang kongresman.

Akalain ba nating unti-unti ang paggawa ng mga tulay dahil gusto lang ipakita ni kongresman na meron siyang nagagawa para sa kanyang mga nasasakupan at iba pang mga dumaraan sa kanyang distrito.

Sa isang bayan, unang pinabakbak ni kongresman ang isang lumang tulay saka “pinagawan ng bago” at pinagawan ng dinding.

Sa ikalawang termino nito, pinagawang four lanes ang tulay bilang tugon sa widening na pinagawa ng nauna sa kanya.

Alam ba ninyo kung gaano kalaki ang pondo ng gobyerno na inubos ni Kong sa bagong tulay?

Anak ng tokwa, tatlong buwang ang pagbakbak sa dinding at magkano ang ginastos dito?

Maano bang pinagawa na ang tulay na four lanes kaagad kaysa inunti-unti ito para lang makadalawa o makatatlong termino si Kong?

Nang magtanong-tanong tayo ukol sa proyekto, matik daw na meron si Kong at 20 porsyento ba?

Meron din palang 10 porsyento ang kanyang office engineer na nag-aapruba sa mga proyekto.

Palasak na rin ang kaalaman na 10% ang ibinubulsa ng mga nasa Bids and Awards Committee.

Ang release ng perang bayad ng kontraktor mula sa Department of Public Works and Highways?

Inuuna ng disbursing officer na bayaran ang mga kontraktor na marunong “makisama” kaya napipilitang magbigay si kontraktor para masama sa inuunang bayaran.

Si Mayor meron din ba siya?

Basta sabi nila, ebribadi hapi!

SUBSTANDARD NA PROYEKTO

Nagtitipid ang kontraktor dahil gusto niya ring kumita bilang direktang gagawa o subcontractor.

Resulta? Marupok at madaling masira ang proyekto dahil substandard sa kakulangan na ng mga bakal, semento at buhangin.

Pagdating ng baha, bumabagsak na ang tulay at magpapa-repair ulit ang hijo de…p… kongresman.

MAka-DIYOS, MAKATAO SI KONG

Dahil sa pagkasira ng mga sinwitik o kinorap na tulay na wala ring matinong pagpaplano para sa kapaligiran, naiistranded ang iba’t ibang uri ng manlalakbay at nababaha at nasisira ang mga kabahayan,  kapaligiran at iba pa.

Kapag nagkukumahog si Kong na magbigay ng mga ayuda sa kanyang mga biktima, nakikita siyang “maka-Diyos, makatao at makamahirap.”

Paano kaya ihahagis hindi sa kangkungan kundi sa rumaragasang baha ang mga korap?