Home OPINION NAKARARAMI AYAW SA IMPEACHMENT

NAKARARAMI AYAW SA IMPEACHMENT

ANO kaya ang totoo sa mga sarbey ukol sa impeachment, lalo na ang usaping pabor o kontra rito?

Habang sinasabi ng mga kilalang survey group na nakararami sa buong bansa ang may gustong ma-impeach si Vice Pesident Sara gaya ng SWS, may lumitaw namang ibang surbeyor na nagsasabi ng kabaligtaran nito gaya ng WR Numero.

Para malinaw, mga Bro, may tatlong isinampang kasong impeachment sa Kamara noong Disyembre 2024 (Disyembre 2, 4 at 5) at pang-apat ang isinampa noong Pebrero 5, 2025 na dead on arrival naman sa Senado dahil hindi naisumite habang nagse-sesyon ang mga senador hanggang alas-7:00 ng gabi.

SWS SURVEY

Makaraan ang tatlong impeachment noong Disyembre, agad na nagsagawa ang SWS ng sarbey at sinabing 41 porsyento ang may gusto nito, habang 35 ang ayaw.

Disyembre 12 hanggang 18 isinagawa ng sarbey at masasabing kumukulo ang usaping impeachment at lumabas sa mga pahayagang online ang nasabing resulta noong Enero 9, 2025.

Sinakyan ito ng mga anti-VP Sara hanggang idamay na nila ang rali para sa kapayapaan na idinaos ng Iglesia ni Cristo noong Enero 13, 2025.

Minaliit ng mga anti-VP Sara ang INC peace rally na dinaluhan ng may 1.5 milyon sa Luneta nasa 500,000 sa iba’t ibang luga.

Dahil tumataginting na 41 porsento umano ang umaprub sa impeachment at balewala umano ang nag-peace rally na ayaw sa impeachment.

Pero umasim ang nasabing sarbey nang maglabas ng pagsusuri si Rigoberto Tiglao na binalasubas ng SWS ang sarbey nito na pinagawa o kinomisyon umano ng anti-China na grupo sa halagang P5 milyon.

Sabi ni Tiglao, mga Bro, mismong ang SWS ang naglabas ng datos o rekord na sa 2,160 na tinanong kung alam nila o hindi na may impeachment, 1,145 o 53% ang ang nagsabing wala silang kaalam-alam at 47% lang kung ganoon ang may alam.

Binalewala umano ng SWS ang higit na nakararaming 53% o 53 milyon kung 100 milyon ang mga Filipino at doon sa 47% sinabing may 41% ang may gusto ng impeachment.

NW NUMERO

Kabaligtaran naman ang lumabas sa sarbey ng NW Numero na isinagawa mismo noong Pebrero 18-20 2025 at nasa dalawang linggo pagkatapos ng ikaapat na impeachment na pinirmahan ng mahigit 200 kongresman.

Mas mainit na balita ito at bumubulwak ang kulo nito kaysa sa balita sa naunang tatlong impeachment.

Ang sabi ng NW Numero na pinamumunuan ng President at CEO nito na si Cleve Arguelles na dating propesor ng De La Salle University at ngayo’y propesor ng University of the Philippines-Manila, nakararami ang ayaw sa impeachment.

Nasa 47% o 47 milyon ang ayaw sa impeachment habang nasa 33% o 33 milyon ang may gusto at 20% ang walang masabi.

Ano ang masasabi ninyo, mga Bro?