MANILA, Philippines- Nakikitaan ng election watchdog ng potensyal na kahinaan sa iba’t ibang kondisyon sa kapaligiran ng mga polling center para sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Sinabi ng National Citizens’ Movement for Free Elections National Chairperson Lito Averia na ang mga kondisyon ay maaaring makaapekto nang malaki sa mga pasilidad kung saan sinubukan ang automated counting machine (ACMs).
Ayon kay Averia, naka-aircon ang testing facility ngunit sa mismong araw ng halalan ay ang final stress test sa mga polling precinct lalo na sa mga kapiligiran na iba ang kondisyon tulad ng init, maalikabok na kapaligiran at moisture.
Naglabas din si Averia ng nakaraang senaryo kung saan dahil sa halumigmig, ang mga balota ay nagkadikit.
Ayon naman sa Comelec, hindi maaalis ang mga posibilidad ngunit ipinunto ni Comelec George Garcia na marami silang contingencies.
Ang opisyal ng NAMFREL ay hindi masyadong nag-aalala tungkol sa posibleng pagmamanipula ng mga ACM, na binanggit na mas mahirap i-hack dahil hindi ito konektado sa internet sa oras ng pagboto.
Hindi rin nagulat si Averia sa sunod-sunod na show-cause order na inilabas ng Comelec laban sa mga kandidato para umano sa vote buying.
Ayon kay Averia, talagang masidhi at aktibo ang komisyon sa pagbabantay lalo sa kaso ng vote-buying. Jocelyn Tabangcura-Domenden