MANILA, Philippines- Pinahihintulutan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato at supporters na mamigay ng sample ballots para sa 2025 national at local elections hangga’t hindi nila gagamitin ang opisyal na selyo ng poll body.
Ito ang inihayag ni Comelec Chairman George Garcia kung saan binigyang-diin na ang matutuklasang gumagamit ng Comelec logo ay mahaharap sa kinakailangang parusa.
Tiniyak ni Garcia sa publiko na ang mga sample ballot na ito ay hindi magagamit sa aktuwal na botohan dahil ang mga opisyal na balota ay mayroong security features na maaari lamang mabasa ng automated counting machines.
Pinaalalahanan din niya ang mga kandidato at taga-suporta na mamamahagi ng mga naturang sample ballots na huwag gawin ito isang araw bago ang halalan sa Mayo 12 at sa mismong araw ng halalan.
Dagdag pa ni Garcia, huwag gagamitin ang mga bata. Paliwanag ni Garcia, ginagamit ang mga bata dahil umano walang criminal liability. Jocelyn Tabangcura-Domenden