Iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang isang low-pressure area (LPA) na nasa layong 225 kilometro silangan-timog-silangan ng Tagum City, Davao del Norte. Ang LPA ay may katamtamang tsansa na maging tropical depression sa loob ng 24 na oras.
Ang LPA, kasama ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ), ay magdadala ng ulan at pagkidlat-pagkulog sa mga rehiyon ng Caraga at Davao, gayundin sa Negros Island, Central at Eastern Visayas, at sa nalalabing bahagi ng Mindanao. Samantala, maaapektuhan ng shear line ang Bicol Region at Quezon, habang ang Northeast Monsoon (Amihan) ay magdadala ng mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera, at Aurora.
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa sa mga lugar na nakararanas ng malakas na pag-ulan. Katamtaman hanggang sa malakas na hangin at maalon na karagatan ang inaasahan din sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao.
Pinapayuhan ang mga residente na manatiling alerto at subaybayan ang mga update. RNT