Home NATIONWIDE Napipisil na bagong PNP chief tatalakayin ngayong linggo – Abalos

Napipisil na bagong PNP chief tatalakayin ngayong linggo – Abalos

MANILA, Philippines- Nakatakda na ang petsa ng turnover of command subalit hindi pa tiyak kung magkakaroon ng bagong hepe ang Philippine National Police (PNP) sa March 27.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., kasado ngayong linggo ang diskusyon nila ni Pangulong Marcos ukol sa magiging kahalili ni Police General Benjamin Acorda, Jr. bilang pinuno ng kapulisan.

Magsisimula umano ito sa accomplishments ng lahat ng kwalipikadong heneral sa police organization.

“I will be talking to the President either later (March 20) or within this week and we will be laying down the performance of the generals that could be appointed as the next Chief PNP,” ani Abalos.

“But number one (qualification) for me, it’s output based. This is the most important not only in the PNP but also in other organizations,” dagdag niya.

Sa naunang press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na naghahanda na sila para sa turnover of command sa susunod na linggo: “We are already preparing for the change of command. In fact, we already have a date, March 27.”

Nakatakda sanang magretiro si Acorda noong Disyembre matapos tumuntong sa mandatory retirement age na 56. Subalit, bago ang kanyang retirement date, nagpasya si Pangulong Marcos na palawigin ang kanyang tour of duty hanggang March 31 ng kasalukuyang taon.

“While we are preparing for the change of command, our security preparations for the Holy Week are ongoing. On the part of the Chief PNP, he is still focused on his work, he is still busy,” wika ni Fajardo.

Ani Fajardo, hindi niya alam kung humingi ng rekomendasyon ang Pangulo mula kay Acorda, o nagmungkahi si Acorda ng mga pangalan ng mga posibleng pumalit sa kanya.

Subalit para kay Abalos, mayroon siyang tatlo hanggang apat na pangalang irerekomenda kay Pangulong Marcos bilang sunod na Chief PNP.

Subalit, binigyang-diin nina Abalos at Fajardo na ang Pangulo ang may awtoridad kung muli niyang palalawigin ang tour of duty ni Acorda bilang Chief PNP. RNT/SA

Previous articlePastor kalaboso sa planong pagpatay sa kasintahan ng anak!
Next articleDagsa ng pasahero sa mga terminal sa Holy Week pinaghahandaan na