MANILA, Philippines – ISINULONG ni Senador Bong Go ang pagpapalawak sa mga rehiyon ng National Academy of Sports o NAS, lalo na sa Visayas at Mindanao.
Ginawa ni Sen. Go, Vice Chairman ng Senate Finance Committee ang aksyon habang iniisponsoran nito ang panukalang badyet ng Philippine Sports Commission kamakailan.
Mariing sinabi ng senador na matagal na nitong isinusulong ang rehiyonalisasyon ng NAS at hindi dapat sa Luzon lang ito nakatuon.
Magiging bansot at hindi uunlad ang grassroots sports development kapag sentralisado at nakikita ito sa paggamit ng mga pasilidad ng mga sangay ng NAS sa labas ng Luzon.Ang rehiyonalisasyon umano ng NAS ang diwa ng batas dito.
Paliwanag niya, habang nakalaan ang pondo para sa NAS sa pasilidad nito sa New Clark City, Pampanga, dapat umanong palawakin din ang sakop nito sa mahuhusay na atleta sa ibang mga lalawigan.
“In fact, mayroon yatang additional for NAS operations na P294 million sa committee report at ang pagkaalam ko mayroong dermitoryo ring ilalagay doon,” aniya.
Idiniin din niyang lubos ang kagustuhan ng mga LGU sa Visayas at Mindanao makibahagi sa NAS at mag-host ng mga palaro sa nasabing mga lugar.
Samantala, sinabi naman ni Sen. Alan Cayetano nadapat tuloy-tuloy ang national sports programs at hindi ito mapaghuhusay at mahihinog kung taunan lang itong bigyan ng atensyon.
Kailangan din umano ang pagbubuklod-buklod ng lahat ng development planning sa lahat ng mga pangyayari, gaya ng nalalapit umanong pag-host ng Southeast Asian Games.Dapat umanong ihanda ang Pilipinas dito at pangunahing dapat na magtulungan dito ang Department of Education at PSC, na sinang-ayunan naman ni Go.
Si Go ang awtor batas ng NAS sa ilalim ng Republic Act No. 11470 na nagsusulong ng pagpapahusay ng sports, kasabay ng kagalingang akademya ng mga estudyante.
Ang rehiyonalisasyon naman ng NAS ay panukala ni Go sa ilalim ng Senate Bill No. 171 o National Academy of Sports Regional Expansion Act of 2025. RNT