Home OPINION NATIONAL PRESS CLUB SANDIGAN NG MAMAMAHAYAG TUNGO SA PAG-ASENSO

NATIONAL PRESS CLUB SANDIGAN NG MAMAMAHAYAG TUNGO SA PAG-ASENSO

78
0

CONGRATS sa mga nanalong opisyales ng National Press Club at ganoon din sa mga kandidatong hindi pinalad sa ginanap na halalan kahapon sa mismong gusali nito sa Intramuros, Manila.

Sa mismong ground ng NPC, iba’t ibang booth ng mga kandidato ang nakalatag at binantayan ng mga supporter na namamahagi ng kung ano-anong campaign items na nagsisilbing pang-akit sa mga botante.

Mayroong namimigay ng t-shirts, pamaypay, sabon, pabango, mini-towel, mug, tinapay, pagkain, tubig at kung ano-ano pa na may mga pangalan ng kandidato.

Lahat masaya sa pagtanggap ng mga polyetos at freebie ng mga kandidato at walang sapilitan kung sino ang iyong tatayaang kandidato.

Pero hindi naman ang mga natanggap na campaign materials ang mahalaga para sa mga miyembro ng NPC na nagtungo upang bumoto kundi ang maiboto ang mga miyembrong batid nilang magseserbisyo ng totoo hindi lang para sa pansariling kapakanan subalit para na rin sa kapakanan ng kapwa nila mamamahayag.

Bukod pa ito sa napakasarap sa pakiramdam na muling makita ang mga dating kasama na lumulutang lang sa NPC tuwing ikalawang taon sa unang Linggo ng Mayo upang bumoto lalo na ang mga mamamahayag na nasa talaan na ng “lifetime” members.

Ibang-iba ang pakiramdam na makaharap, makausap, makakwentuhan at magkumustahan ang mga miyembro ng NPC na ilang taong hindi nagkikita subalit nagkasama sa “beat” ng halos ilang dekada.

Pagdating naman sa sinusuportahang kandidato, siyempre, iba-iba ang gusto dahil ang ilan sa mga botante bumabase sa kredibilidad tumatakbo sa posisyon habang ang iba naman bunga ng kanilang matagal na pinagsamahan.

Hindi problema kung sino ang ibinoto. Hindi rin problema kung sino ang sinuportahang kandidato ang mahalaga ginamit ang karapatan sa pagboto. Hindi naman pulitika ang NPC kundi ito ay samahan ng mga mamamahayag na ang nais ay pag-unlad sa kanilang trabaho at kapakanan.

Mabuhay ang NPC at sana ay tuloy-tuloy ang magandang samahan ng lahat ng miyembro. Maaaring magkalaban nitong halalan subalit kapag natapos na at pawang naideklara na ang mga nanalo, balik na ang dating samahan.

Ang dapat na isipin ay pagtutulungan at pagkakaisa kung paano mas maisasaayos at mas mapauunlad ang samahan ng mga lehitimong mamamahayag.

Muli, CONGRATS sa mga nanalong opisyal ng NPC. Tuloy ang serbisyo para sa pag-asenso.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here