MANILA, Philippines – Naniniwala si Senador Bam Aquino na kailangan nang mas malawak na state of national emergency, at hindi lang state of national energy emergency, upang mabigyan ang pamahalaan ng kakayahang kontrolin ang presyo ng mga bilihin sa gitna ng krisis sa langis.
Sinabi ni Aquino na ang pagdedeklara ng state of national emergency ay magbibigay sa gobyerno ng dagdag na ngipin para mapigil ang pagtaas ng halaga ng bilihin at matugunan ang krisis, sa halip na umasa sa state of national energy emergency na dineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng Executive Order No. 110.
“Baka hindi kasama dito iyong price control na kapag mayroon tayong state of national emergency, puwedeng lagyan ng price control o price cap iyong essential goods at basic commodities,” wika ni Aquino sa isang panayam sa radyo.
“Iyon naman ang isang hinahanap natin na kapag may state of national emergency or state of calamity ay puwede pong maglagay ng cap sa presyo ng pangunahing bilihin,” dugtong pa niya.
Si Aquino ang unang nagbigay-babala hinggil sa krisis sa langis at nanawagan ng state of national emergency upang epektibong matugunan ng pamahalaan ang mga problema.
Sinabi ni Aquino na hihingi siya ng paglilinaw sa pagdinig bukas ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee upang matukoy kung kasama ang nasabing probisyon sa Executive Order.
Bukod sa usapin ng price control, sinabi ni Aquino na hindi rin malinaw sa ilalim ng EO 110 kung maaaring gamitin ng mga local government unit ang kanilang quick response fund (QRF) upang magbigay ng tulong sa kanilang mga nasasakupan.
“Pangalawa, iyong mga local government units na ating katuwang sa pagtulong sa ating kababayan, puwede nilang magamit ang QRF kapag may state of emergency. Hindi rin klaro kung puwede nilang gamitin iyan,” wika niya.
Samantala, sinabi ni Aquino na dapat gamitin ng pamahalaan ang mahigit P200 bilyon nitong available funds upang magbigay ng target na ayuda sa mga apektadong sektor at industriya.
Kabilang sa mga sektor na ito ang mga transport worker, micro, small, and medium enterprises (MSMEs), magsasaka, mangingisda, guro, at mga healthcare worker, at iba pa.
“Kung tutulong na rin tayo, gawin natin nang maayos, gawin nating komprehensibo, gawin nating mabilis at tuloy-tuloy,” he said.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagprotekta sa mga pampublikong pamilihan, ospital, at paaralan sa bansa, sa pagsasabing mahalaga ang mga ito para maprotektahan ang pamilyang Pilipino sa pinakamatinding epekto ng krisis. Ernie Reyes