Magdaraos ng tatlong araw na nationwide transport strike ang MANIBELA mula Marso 24-26, 2025, bilang protesta laban sa umano’y kasinungalingan ng LTFRB tungkol sa PUV modernization.
“Sa Lunes, magkakasa kami ng tatlong araw na transport strike. Simula sa Lunes, March 24, ay dinedeklara naming ang nationwide transport strike,” ani MANIBELA’s Mar Valbuena sa isang press conference.
“Pwede pang magbago, pwede itong mangyari bukas na depende dahil sa pagsisinungaling ng LTFRB sa taumbayan,” giit niya pa.
Ayon kay Valbuena, hindi totoo ang pahayag ng LTFRB na 86% ng mga PUV operator ay nag-consolidate na, dahilan kung bakit hindi na-renew ang kanilang mga prangkisa.
“Ang sinasabi ng LTFRB na 86% na ang nagconsolidate at nakapag-comply. Naging mitsa ito kung bakit hindi na na-renew ang ating provisional authority at hindi na nakarehistro,” ani Valbuena.
Hiniling din ng grupo ang agarang pagsibak sa mga opisyal ng LTFRB at binalaan na maaaring mas maaga pa maganap ang welga. Santi Celario