Home NATIONWIDE Navotas landfill kulang sa gas vents na kinakailangan vs methane buildup –...

Navotas landfill kulang sa gas vents na kinakailangan vs methane buildup – DENR

72
0
default

MANILA, Philippines – Dapat ay mayroong mahigit 100 gas vents ang Navotas sanitary landfill sa 41 ektaryang lupain nito, ngunit nakita na mayroon lamang itong 53 gas vents, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Huwebes, Abril 30.

Sa media briefing, sinabi ni Maria Delia Cristina Valdez, hepe ng Solid Waste Management Division ng Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR na mahalaga ang gas vents, lalo na ang methane na isang highly combustible gas ay byproduct ng waste degradation.

“‘Yung gas may certain concentration na pwede siyang maging explosive. ‘Yung gas vents, ‘yun ‘yong way para lumabas ‘yung methane. Ngayon, kung hindi siya lumabas pwede talagang magkaroon ng fire diyan,” aniya.

Ang methane ay nabubuo sa methanogenic phase ng waste degradation, na karaniwang inaabot ng ilang taon.

Ayon naman kay DENR-EMB Regional Director Atty. Janice Pammit, ang kombinasyon ng matinding init ng panahon at methane buildup ang posibleng sanhi ng sunog sa Navotas landfill.

“Dahil summer it may have caused the ignition dahil meron na ngang build up ng methane doon. The BFP is still on the ground suppressing the fire,” ani Pammit.

Ang kakulangan ng gas vents ang isa sa mga paglabag na napuna ng DENR bago pa mangyari ang sunog noong Abril 10.

Kabilang sa mga requirement sa operasyon ng isang sanitary landfill ay ang araw-araw at agarang soil cover, leachate collection, treatment at recirculation systems, at clay o synthetic liners para maiwasan ang kontaminasyon ng groundwater.

Nakita ng DENR na bigo ang landfill operator na makapagbigay ng araw-araw na soil cover para sa mga basura bago pa mangyari ang sunog.

Idinagdag pa ng ahensya na huli nang nakapagpasa ang operator ng safe closure at rehabilitation plan, na kalaunan ay binawi ito, at hindi pa nakakapagpasa ng revised version.

Ayon sa DENR, ang soil cover ay inilagay lamang sa 10% ng site.

Iniaayos na ng DENR ang kasong ihahain sa Office of the Solicitor General (OSG) para sa posibleng civil at criminal complaints.

“It’s the OSG’s evaluation that will say na ito ay may ground to file civil or criminal cases. Pagdating sa adminstrative, it’s with the DENR,” sinabi ni Assistant Secretary for Legal Affairs Atty. Norlito Eneran.

Samantala, ilang linggo na ring hindi maganda ang kalidad ng hangin sa Metro Manila at karatig-probinsya dahil sa nagpapatuloy na sunog sa Navotas landfill. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here