MANILA, Philippines — Posibleng sa Mt. Kalatungan sa Bukidnon ang itinuturong lokasyon ng nawawalang FA-50 fighter jet, ayon kay Lt. Gen. Luis Rex Bergante ng East Mindanao Command (Eastmincom).
Ayon kay Bergante, ipinadala na ang search and rescue teams sa nasabing lugar upang hanapin ang eroplanong nawawala at ang dalawang piloto nito.
Nawala ang FA-50 jet noong Martes ng madaling araw habang nasa isang tactical night operation patungo sa Mactan airbase sa Cebu, ayon kay Philippine Air Force (PAF) spokesperson Col. Maria Consuelo Castillo.
Samantala, nagkaroon din ng sagupaan sa Barangay Iba, Cabanglasan, Bukidnon, ayon kay Maj. Francisco Garello, tagapagsalita ng army’s 4th Infantry Division.
Humiling umano ang kanilang pwersa ng close air support upang maiwasan ang mga kaswalti, ngunit hindi pa tiyak kung kabilang ang FA-50 sa kanilang hininging suporta.
Hindi pa natatagpuan ang mga piloto, subalit tinutunton na ng ground rescuers ang kanilang lokasyon gamit ang signals mula sa kanilang personal locator beacons, ayon kay Castillo.
Sa kasalukuyan, may 11 natitirang FA-50 ang PAF matapos iretiro ang huling batch ng kanilang fighter jets noong 2005. Santi Celario