ZAMBOANGA CITY — Tatlong tao, kabilang ang isang tagasuporta ng muling tumatakbong alkalde, ang nasugatan sa pagsabog ng granada sa Kalawit, Zamboanga del Norte noong Lunes, Marso 3.
Kinilala ang mga biktima na sina Arnold Yu Lubaton, 69, isang kilalang tagasuporta ni Kalawit Mayor Salvador Antojado Jr., at ang kanyang mga kasama na sina Honeylete Pagador Labina, 33, at Renel Elmenzo Labina, 38.
Ayon sa imbestigasyon, kagagaling lamang ni Lubaton sa barangay hall ng San Jose at nasa loob ng kanilang bahay ang mga Labina nang ihagis ng hindi pa kilalang salarin ang isang granada sa harap ng kanilang pintuan.
Agad dinala ang mga biktima sa Liloy Integrated Hospital at kasalukuyang nasa maayos na kalagayan.
Iniimbestigahan pa ng pulisya kung may kaugnayan ang insidente sa suporta ni Lubaton kay Mayor Antojado. RNT