KASABAY nang pagpalag ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa mga pahayag na umiikot sa mga kontroladong social media platforms sa China kaugnay sa pagiging bahagi ng teritoryo nito ang isla ng Palawan, ay tinawag din itong “historical fiction” o walang basehan ng ahensya.
Maayos na sinagot ng NHCP ang kumakalat na post sa Weibo at Rednote na nagsasabing ang Palawan ay dating pag-aari ng China at kalaunan ay inangkin at pinamunuan ng Pilipinas.
Tinatawag ang Palawan bilang ‘Zheng He Island’ hango sa pangalan ng bantog na Chinese explorer at mandaragat na naglayag sa mga dagat at karagatan ng Asya mula 1300s hanggang 1400s.
Pagbibigay-riin ng NHCP, ang eksplorasyon ay hindi nangangahulugang soberanong pagmamay-ari, at ang mga ito ay haka-haka lamang dahil walang umiiral na ebidensya na sumusuporta sa paninirahan ng permanenteng populasyong Tsino sa Palawan batay sa mga dokumentong mayroon ang bansa simula pa noong 1521, ayon sa mga ulat ni Antonio Pigafetta na bahagi ng ekspedisyon ni Ferdinand Magellan at unang pag-ikot sa mundo.
Ang tamang datos ng kasaysayan ayon sa ahensya na ang Palawan ay pinaninirahan ng mga pamayanang may kaugnayang kultural sa iba pang bahagi ng arkipelago. Sa katunayan, ang pinuno ng ekspedisyon ay nakipag-sanduguan sa pinuno ng isang pamayanan na kinikilala ng NHCP na nasa kasalukuyang Sitio Tagusao, Brooke’s Point para sa ugnayang pangkalakalan.
Dagdag pa ng NHCP, ang mga lumang mapa ng mga European cartographer mula 1500s hanggang 1800s ay malinaw na kumikilala sa kabuuan ng Isla ng Palawan bilang bahagi ng kapuluang Pilipinas, na nasa ilalim ng pamamahala ng Sultanate of Sulu at ng gobernadora heneral ng Pilipinas sa ilalim ng Espanya. Mas naging konkreto ito sa Treaty of Paris noong 1898 na binago sa Treaty of Washington noong 1900 kung saan itinakda ang mga teritoryong magiging bahagi ng Republika ng Pilipinas.
Ayon pa sa NHCP, wala ni isa sa mga kalapit-bansa ng Pilipinas ang umaangkin ng soberanya sa teritoryo ng Pilipinas dahil matibay ang ugnayan ng mga sinaunang pamayanang Filipino sa mga sultanato at rajahnate sa ibang bahagi ng Timog-Silangang Asya. Ang pagiging bahagi ng Palawan sa Pilipinas ay matagal nang kinilala ng pandaigdigang komunidad sa loob ng mahigit isang siglo, at wala ni isang bansa na tumuligsa sa katotohanang ito.
Mariing sinabi NHCP sa inilabas nitong pahayag na “Ni isang pulgada ng teritoryong Filipino ay hindi ipinagbibili, at hindi maaaring angkinin ng anomang estado na nagpapanggap na ating kaibigan ngunit patuloy na sinisira ang katatagan ng rehiyon sa pamamagitan ng maling paggamit ng kaduda-dudang datos pangkasaysayan. Ang Palawan ay mananatiling bahagi ng Pilipinas,” sabi ng NHCP.
Ang Palawan ay ang pinakamalaking lalawigan sa bansa batay sa sukat nito, na binubuo ng 23 na mga munisipalidad at ang Puerto Princesa City na tirahan ng nasa halos isang milyon na tao. Binabansagan bilang “Last Frontier” ang buong isla dahil sa pagtataglay ng yaman ng kalikasan.






