MANILA, Philippines – Nag-isyu ng subpoena ang House Committee on Justice para sa National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin A. Matibag kaugnay ng impeachment hearings laban kay Vice President Sara Duterte.
Inutusan ang NBI chief na dumalo sa pagdinig sa Abril 14, 2026 at magsumite ng mga rekord ng imbestigasyon ng NBI tungkol sa umano’y banta ni Duterte na ipapatay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Sa subpoena ad testificandum et duces tecum na may petsang Marso 31, 2026, nakasaad na kailangang humarap si Matibag sa House of Representatives sa Quezon City sa alas-10 ng umaga at dalhin ang hinihinging dokumento.
Kabilang dito ang certified true copies ng lahat ng dokumento at larawan na nakalap ng NBI sa kanilang imbestigasyon upang maipaalam sa komite ang resulta at ebidensya.
Ayon sa House panel, ang subpoena ay inisyu sa awtoridad ng komite at pirmado ng mga kinauukulang opisyal ng Justice Committee at House leadership.
Ang impeachment complaints laban sa bise presidente ay may akusasyon ng betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds, pagbabanta sa Pangulo at kanyang pamilya, at umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Sinabi ng komite na ang mga reklamo ay sapat sa form, substance, at grounds, at kasalukuyan itong nagtatasa kung may probable cause para sa impeachment proceedings. RNT/MND