Home METRO Terorista timbog sa Cotabato City

Terorista timbog sa Cotabato City

COTABATO, Philippines – Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang wanted na miyembro ng local terrorist group sa Cotabato City.

Ayon sa NBI, si Lutre Aman ay naaresto ng NBI-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim MIndanao (NBI-BARMM) sa pinaigting na kampanya laban sa local terrorist groups sa bansa at sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder at multiple frustrated murder na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 23.

Ang operasyon ay isinagawa dahil sa impormasyon na natanggap ng NBI-BARMM na ang isang Lutre Aman o kilalang miyembro ng Daulah Islamiyah-Hassan Group, na isang local terrorist group ay sangkot sa serye ng pambobomba sa Maguindanao at kalapit na probinsya ay pagala-gala sa Cotabato City.

Kilala umanong eksperto sa bomba at responsable sa pambobomba sa isang bus noong Enero 2021 sa Tulunan, North Cotabato na ikinamatay ng fruit vendor at ikinasugat ng iba pa.

Responsable rin si Aman sa panununog sa bus noong June 2021 sa Miang, Cotabato.

Sa beripikasyon sa Regional Trial Courts sa Cotabato kinumpirma na si Aman ay may standing warrant of arrest.

Dito na ikinasa ang operasyon dahilan para maaresto ang akusado sa parking area ng establisyimento sa Cotabato City . (Jocelyn Tabangcura-Domenden)