Home NATIONWIDE NCAP 2.0 ipinatupad na sa Maynila

NCAP 2.0 ipinatupad na sa Maynila

5
0

MANILA, Philippines – “Lahat pantay-pantay. Wala nang siga, walang malapit sa kusina. Kapag lumabag, penalty ka”

Ito ang babala ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kasabay ng pahayag nito na wala ng puwang ang palusot sa ilalim ng enhanced No Contact Apprehension Program (NCAP 2.0), lalo na sa mga abusadong motorista at maging sa mga kawani ng gobyerno.

“You cannot argue with technology. Maaaring makipagtalo sa enforcer, pero sa technology, huli. Sa huli, walang lusot,” pahayag ni Domagoso sa flag-raising ceremony sa Manila City Hall.

Ayon sa alkalde, ipinatupad na rin ang NCAP noong una niyang termino bilang mayor kung saan daan-daang libong motorista ang nahuli dahil sa paglabag sa batas-trapiko.

Sa NCAP 2.0, gagamit ang lungsod ng mga high-resolution camera upang mas malinaw na makuhanan ang mga paglabag sa trapiko.

Gayunman, nilinaw ng pamahalaang lungsod na hindi agad nangangahulugan ng paglabag ang bawat kuha ng camera. Dadaan muna ito sa pagsusuri at validation ng mga awtorisadong NCAP personnel bago maglabas ng Notice of Violation.

Ang mga multa at parusa ay ibabatay sa Metro Manila Traffic Code of 2023.

May pagkakataon din ang mga motorista na kuwestiyunin ang kanilang violation sa pamamagitan ng online protest sa NCAP portal. Maaari namang bayaran ang valid na multa online o personal sa tanggapan ng lokal na pamahalaan kung saan nangyari ang paglabag.

Binigyang-diin ni Domagoso na huwag balewalain ang mga notice na matatanggap sa bahay dahil patuloy lamang na madaragdagan ang penalty kapag hindi ito inaaksyunan.

Aniya, pantay-pantay ang pagpapatupad ng NCAP dahil walang pinipiling motorista—mayaman man, middle class, mahirap o maging opisyal at kawani ng gobyerno.

Sinabi rin ni Domagoso na mababawasan ang pagkakataon para makiusap o makipag-areglo sa traffic enforcer dahil mismong teknolohiya na ang magtatala ng paglabag.

Hinimok naman niya ang lahat ng motorista, partikular ang mga nasa pamahalaan, na maging ehemplo sa pagsunod sa batas-trapiko. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here