MAGKATUWANG na nilinis ng mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Safety ng Manila LGU ang trak-trak na basurang naiwan matapos ang pinakamatagal na Traslacion nitong Sabado ng umaga, Enero 10. Crismon Heramis
MANILA, Philippines – Plano ng Metropolitan Manila Development Authority na gumamit ng CCTV cameras upang matukoy at mahuli ang mga ilegal na nagtatapon ng basura, katulad ng sistemang ginagamit sa No Contact Apprehension Policy laban sa mga lumalabag sa batas-trapiko.
Layunin nitong mabawasan ang mga basurang bumabara sa drainage system at nagpapabagal sa operasyon ng mga pumping station tuwing malakas ang ulan.
Sa ulat ng “24 Oras,” nakunan ng camera ang isang lalaki habang nagbababa ng mga sako ng basura malapit sa isang poste sa EDSA Oliveros sa Quezon City, isang lugar na madalas bahain. Ilang oras matapos ang pagtatapon, binaha ang naturang bahagi ng EDSA dahil sa malakas na ulan.
Sinabi ni MMDA General Manager Nicolas Torre na marami nang nagtatapon ng basura ang natukoy ng ahensya sa pamamagitan ng CCTV footage.
“We have 32 cameras na nasa estero lang nilalagay, mga estero na identified na tapunan talaga, so yung ibang mga tao alam nilang mino-monitor sila, tumigil na,” ani Torre.
Sa Vitas, Tondo, nakita rin ang mga basurang nakakalat sa tulay at lumulutang sa Estero de Vitas, kabilang ang isang patay na alagang hayop.
Nakakolekta ang MMDA ng walong cubic meters ng basura sa Vitas Pumping Station noong Miyerkules at apat pang cubic meters nitong Huwebes.
“Yung mga basurang itinatapon sa gilid ng kalsada, pupunta sa inlet natin, tapos pupunta sa main drainage natin, tulad ng Estero de Vitas. Mag-iipon-ipon po ’yan,” ani Vitas pumping station plant manager Jude EricK Paz.
May mahigit 70 pumping station ang MMDA sa Metro Manila upang makatulong sa pagkontrol ng baha, ngunit bumabagal ang operasyon ng mga ito kapag bumabara ang basura sa mga screen bago mailabas ang tubig patungo sa dagat.
Ayon kay Paz, kailangang pansamantalang ihinto ang operasyon upang alisin ang mga basurang bumabara bago muling mapaandar ang mga pump.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na pinag-aaralan nitong magpatupad ng mas mabigat na parusa laban sa mga mahuhuling nagtatapon ng basura kung saan-saan bilang bahagi ng pagtugon ng pamahalaan sa pagbaha. RNT