MANILA, Philippines — Kinondena ng Department of Foreign Affairs nitong Biyernes ang paglalagay ng mga kabaong na may anti-Chinese message sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, na tinawag nitong “irresponsible and disrespectful act.”
Ayon sa DFA, hindi nito kinukunsinti ang anumang pagbabanta o karahasan laban sa sinumang indibidwal, kabilang ang mga foreign national at opisyal.
“While the Philippines upholds the right to freedom of expression, the DFA emphasizes that this right does not extend to threats of violence or acts that endanger the safety and security of others,” pahayag ng departamento.
Sinabi rin ng DFA na hindi sumasalamin ang naturang kilos sa paraan ng pamahalaan sa pakikitungo sa ibang bansa at hindi rin ito kumakatawan sa paraan ng mga Filipino sa pagpapahayag ng kritisismo o pagkadismaya, maging sa sensitibong usaping pampolitika.
Binigyang-diin ng DFA na seryoso ang pamahalaan sa obligasyon nitong tiyakin ang kaligtasan ng mga dayuhan at foreign officials sa bansa, kabilang ang mga pananagutan sa ilalim ng Vienna Convention on Diplomatic Relations at Vienna Convention on Consular Relations.
“The DFA is closely coordinating with law enforcement authorities, who are taking the necessary steps to establish the circumstances surrounding the incident and determine accountability for this reckless act,” dagdag nito.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang hindi bababa sa limang kabaong na iniwan sa mga kalsada sa Quezon City, Caloocan, Makati at Manila nitong Biyernes ng madaling araw. RNT