Home NATIONWIDE VP Duterte at Claire Castro, nagpatutsadahan sa usapin ng ‘professionalism’

VP Duterte at Claire Castro, nagpatutsadahan sa usapin ng ‘professionalism’

1
0

MANILA, Philippines — Muling nagpalitan ng maaanghang na pahayag sina Vice President Sara Duterte at Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro nitong Biyernes, ngayon naman tungkol sa professionalism at pananagutan bilang mga opisyal ng pamahalaan.

Iginiit ni Castro na si Duterte ang kulang sa pagpapakita ng propesyonalismo at public accountability.

“Ang tunay na professional ay nakikita sa gawa at hindi sa salita lamang. Ang isang lider na professional ay nananatili sa bansa upang mamuno lalung-lalo na sa oras ng kalamidad, sumusunod sa batas at hindi gumagamit ng dahas, at humaharap sa mga akusasyon gamit ang malinaw na ebidensya sa halip na pag-iwas o paninira sa administrasyon, tumutulong sa pag-unlad at hindi nagiging dahilan ng pagbagsak ng pamahalaan,” ani Castro.

“Kung susuriin ang mga pamantayang ito, malaki ang kakulangan ng Bise Presidente sa pagpapakita ng tunay na propesyonalismo at pananagutan sa publiko,” dagdag niya.

Tugon ito ni Castro sa pahayag ni Duterte noong Huwebes na dapat magpakita ng professionalism ang Palace official sa pagbibigay ng mga pampublikong pahayag.

Nauna rito, binatikos ni Castro ang pahayag ng Bise Presidente na umano’y nagsusuportahan si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang International Criminal Court sa gitna ng pagkakakulong ng kanyang ama na si former president Rodrigo Duterte sa mga kasong crimes against humanity.

Tinawag ni Castro na “useless, baseless, and nonsense” ang mga pahayag ni Duterte.

Buwelta ng Bise Presidente, dapat tandaan ni Castro na nagsasalita siya bilang kinatawan ng Office of the President.

“Si Claire Castro is a spokesperson of the President and the Office of the President, or hindi ko alam kung kaninong spokesperson siya pero by the fact na spokesperson ka at mayroong seal ng Office of the President diyan, dapat maging professional ka sa mga sinasabi mo.”

“She doesn’t have the liberty na tulad sa atin na puwedeng magsalita ng kahit anong iniisip natin at kahit anong opinion natin kasi nagsasalita tayo para sa sarili natin. Pero kapag may seal sa likod mo, sa harap mo, kung ano ‘yung professionalism na hinihingi galing doon sa opisina na ‘yun, ‘yun dapat ipakita at ibigay mo sa taong bayan,” dagdag ni Duterte.

Depensa naman ni Castro, ginagawa lamang niya ang kanyang tungkulin bilang Palace Press Officer.

“Ako, bilang Palace Press Officer, ay tumutugon sa aking mandato—ipamahagi at ipaalam ang mga proyekto at programa ng Pangulo at ng administrasyon at sugpuin ang mga maling impormasyon. Sumasagot lamang tayo sa walang basehang akusasyon sa Pangulo at sa administrasyon na may bitbit na ebidensya,” ani Castro.

“Kapag hindi niya (VP Sara Duterte) nasasagot ang aking mga nasasabi, magsisimula na siyang mamersonal at manira nang walang basehan. Hindi iyan professional,” dagdag niya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here