
INIHAYAG ni National Capital Region Police Office director PMGen Anthony Aberin na hindi kinukunsinte ng kanyang tanggapan ang mga pulis na abusado sa paggamit ng kanilang uniporme.
Ang pahayag ni Aberin ay bilang kasagutan sa nagviral na video ng isang pulis na nakatalaga sa Masambong Police Station ng Quezon City Police District na nangharass ng pamilya sa kanyang nasasakupan.
Ayon sa Regional Director, ang pulis na nagviral sa social media ay inaresto na kanyang mga kasamahang pulis at kinilalang si PSSg Colonel Marzan at ito ay nahaharap sa kasong grave misconduct sa administratibo at sinampahan na rin ng kasong kriminal sa piskalya.
Giit pa ni Aberin, ang hakbang na ginawa ng NCRPO ay hindi lang bilang pagpapakita ng pagtupad sa tungkulin maging anoman ang ranggo ng sangkot subalit ito ay isang pagpapakita ng tunay na malasakit sa mamamayan at pagnanais na maibalik ang tiwala ng taumbayan sa pulisya.
Kasabay nito, inanunsyo ni Aberin na tuloy-tuloy ang ginagawang random drug test ng NCRPO sa lahat ng pulis na nakatalaga sa Metro Manila at ang mga napatunayan ay nasampahan na ng kaso at kasalukuyang sumasailalim sa dismissal procedure.
Aniya, dumaraan sa “due process” ang sinomang pulis na kinasuhan bago pa man ilatag ang hatol sa kanila.
Hinikayat naman ng NCRPO top cop ang kanyang mga pulis na isuot ang kanilang uniprome at tsapa nang may dangal sapagkat ito ang sagisag ng tiwala sa kanila ng mamamayan.
Kasabay nang paghahayag na inaresto, kinasuhan at iniimbestigahan si Marzan ay sinabi rin ni Aberin na ang district director ng QCPD ay pansamantalang inalis sa pwesto sapagkat hindi kaagad naireport sa kanya ang nangyari sa Masambong Police Station. Nahaharap si PBGen Melecio Buslig Jr. sa administrative case at pansamantalang Officer in Charge si PCol Randy Glenn Silvio, Deputy Director for Administration ng QCPD.
Idinagdag ni Aberin kilala sa kanyang programang “AAA” na bukas ang kanyang tanggapan upang makinig sa reklamo ng mga taong inabuso ng mga gumagamit ng uniporme sa pang-aabuso sa kapwa sa halip na pagseserbisyo.