Home TOP STORIES Solid na suporta nakuha ni Bong sa Iloilo at Guimaras

Solid na suporta nakuha ni Bong sa Iloilo at Guimaras

0
Solid na suporta nakuha ni Bong sa Iloilo at Guimaras

Habang umiigting ang panahon ng kampanya, patuloy na pinatitibay ni beteranong mambabatas Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ang kanyang baseng suporta sa buong bansa—lalo na sa Visayas, kung saan nakuha niya ang suporta ng mga pangunahing lider-pulitikal sa Iloilo at Guimaras.

Sa kanyang kamakailang pagbisita sa Iloilo, mainit na tinanggap si Senador Bong Revilla ni Governor Toto Defensor, kasama ang ilang mga alkalde ng lalawigan. Ipinahayag nila ang kanilang tiwala sa uri ng serbisyo publiko ni Revilla na inklusibo at tumutugon sa pangangailangan ng masa sa loob ng tatlong dekada. Sa kanilang pagpupulong, inilatag ni Bong Revilla ang kanyang mga prayoridad na panukalang batas sakaling manalo muli sa Senado—na nakatuon sa matitinding reporma para sa ikabubuti ng buhay ng karaniwang Pilipino.

Isa sa mga pangunahing panukalang tinalakay ay ang pag-abolish ng provincial rate system sa minimum wage. Isinusulong ng senador ang mas makatarungan at patas na estruktura ng sahod.

“Naniniwala ako na wala dapat konsepto ng provincial rate. Hindi dapat mas maliit ang sahod sa probinsya kaysa sa Maynila. Kung ano ang minimum wage sa Maynila, ’yon din dapat ang minimum wage sa lahat ng probinsya,” diin ni Bong Revilla. “Hindi dapat may naiiwang rehiyon dahil pantay-pantay naman ang pagsisikap at pagpupursige ng ating mga kababayang manggagawang Pilipino,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin din ng matagal nang lingkod-bayan ang kanyang dedikasyon sa pagpapalakas ng industriya ng turismo sa Iloilo, na kinikilala niya bilang isa sa mga pangunahing destinasyon sa kultura at kasaysayan ng bansa. Nangako siyang magtutulak ng mga batas sa Senado na mag-aanyaya ng pamumuhunan sa lokal na turismo, lilikha ng trabaho, at magsusulong ng pangmatagalang kaunlaran.

“Napakayaman ng Iloilo sa kultura, kasaysayan, at ganda ng tanawin. Kailangan nating i-angat pa ang turismo para makalikha ng mas maraming kabuhayan para sa ating mga kababayan,” ani niya.

Dagdag pa rito, nagpahayag din siya ng hangaring itulak ang mga proyektong pang-imprastruktura na magpapalakas sa konektibidad, produktibidad, at aktibidad ng ekonomiya sa rehiyon.

“Alam naman natin na napakahalaga ng papel ng imprastruktura sa pag-unlad ng mga probinsya. At bilang kasalukuyang chairperson ng Senate Committee on Public Works, isa po sa mga prayoridad natin ay rural development sa pamamagitan ng mas malakas na public infrastructure program. Kaya kailangan nating magtayo ng mas maraming kalsada, tulay, at pasilidad na magpapasigla sa ekonomiya at magdudulot ng ginhawa sa ating mamamayan dito sa Iloilo,” pagtitiyak ng senador.

Pagkatapos ng kanyang mga aktibidad sa Iloilo, nagtungo si Bong Revilla sa karatig na lalawigan ng Guimaras, kung saan opisyal siyang inendorso ni Governor JC Rahman Nava at Congresswoman Lucille Nava, kasama ang limang municipal mayors ng probinsya. Ang ipinakitang pagkakaisa at suporta ay sumasalamin sa malawak na pagtanggap sa senador mula sa mga lokal na lider na matagal nang nakakakita sa kanyang serbisyo publiko.

“Lubos ang aking pasasalamat sa mainit na pagtanggap at buong pusong suporta ng mga Ilonggo at mga pinuno ng Iloilo at Guimaras,” ani ng senador. “Hindi ko po kayo bibiguin. Lahat ng ito ay para sa patuloy na pag-asenso at pag-unlad ng inyong mga bayan.”

Bilang bahagi ng kanyang pagbisita, nagsagawa rin si Bong Revilla ng motorcade sa Iloilo City, na dumaan sa mga distrito ng Arevalo, La Paz, Mandurriao, Molo, Jaro, at City Proper, kung saan siya ay mainit na sinalubong ng mga residente na pumila sa mga kalsada upang ipakita ang kanilang suporta.

Sa kanyang tuloy-tuloy na mensaheng “Aksyon sa Tunay na Buhay,” patuloy na lumalawak ang suporta kay Senador Bong Revilla—hindi lamang bilang beteranong mambabatas, kundi bilang isang lider na nakikinig at tumutugon sa pangangailangan ng bayan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here