NOONG Nakaraang taon, maganda ang naganap na Traslacion 2024 dahil maagang nakabalik sa kanyang tahanan ang Hesus Nazareno at nailagak kaagad sa Minor Basilica ng Quiapo sa Maynila.
Ang inter-agency meeting at conference ay maayos ang kinalabasan ng mga plano sapagkat naging ‘hands-on’ ang noo’y director ng National Capital Region Police Office na si PMGen Jose Melencio Nartatez Jr., deputy chief for administration ng Philippine National Police ngayon.
Isa pa, si Nartatez ay isang Katoliko kaya naman tutok siya sa mga kaganapan sa area ng Quiapo habang isinasagawa ang prusisyon ng Andas ng Nazareno at nasa lugar lang siya kaya’t kapag kailangan ang kanyang desisyon at maging ng mga organizer ay kaagad na napag-uusapan at nabibigyang kasagutan.
Hindi ko sinasabing wala si PBGen Anthony Aberin, NCRPO director, sa lugar kung saan ginaganap ang Pista ng Hesus Nazareno. Ang ibig kong sabihin hindi siya napagkikita sa lugar at sa halip si PBGen Ponce Rogelio Peñones, deputy regional director for operation, ang sumasagot sa mga katanungan ng mga mamamahayag.
Mangilan-ngilan lang ang nasugatan sa mga deboto noon na nakiisa sa traslacion. Subalit ngayon, umabot sa mahigit 900 ang mga nilapatan ng lunas at inasikaso ng iba’t ibang volunteer medics at iba pang partners na nakiisa sa Traslacion 2025. Ang ilan at isinugod pa sa iba’t ibang pagamutan.
Maswerte na walang nagbuwis ng buhay ngayong taon.
Ipinagbawal ng organizers ang pagtawid ng mga deboto sa Ayala Bridge na sa simula pa lang ay pinagdudahan na ni Philippine Red Cross chairman Richard “Dick” Gordon na susundin ng mga deboto kaya naman nagdeploy na kaagad siya ng mga tauhan na may “megaphone” o public address system upang magabayan ang mga deboto upang hindi madisgrasya at nagpaantabay na rin siya ng dalawang rescue boats na may tig-2 scuba divers sa ilalim ng tulay sa Ilog Pasig upang sakaling may maaksidente ay may mabilis na reresponde. Ganyan dapat ang nagpaplano.
Hindi katulad nang planong inilatag ng NCRPO kung saan nagpalabas ang mga ito ng kulang 15,000 pulis kasama ang iba pang ahensya tulad ng Armed Forces of the Philippines at Bureau of Fire Protection pero area per area ang pagtatalaga kaya naman ang mga pulis na nakatalaga sa Grandstand at Intramuros matapos lumarga ang andas ng Nazareno ay “hayahay” na kaagad ang buhay at pagulong-gulong na lang sa damuhan habang ang mga nakatalagang mangilan-ngilan sa Ayala Bridge ay nahirapang makipagbuno sa mga pasaway na deboto na talaga namang nagpumilit na makatawid sa ipinagbabawal na lugar. (May Karugtong)