Home NATIONWIDE NDRRMC isinailalim sa red alert sa gitna ng pananalasa ni #AghonPh

NDRRMC isinailalim sa red alert sa gitna ng pananalasa ni #AghonPh

MANILA, Philippines- Inilagay ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa ilalim ng red alert bilang paghahanda sa epekto ni Bagyong Aghon sa ilang bahagi ng Luzon at ng Visayas.

“We take this seriously. We don’t leave anything to chance. Ang ibig sabihin lang nito, all hands, lahat nandito tapos may mga augmentees pa din tayo from different uniformed services,” pahayag ni Office of Civil Defense (OCD) Director Edgar Posadas sa media briefing nitong Linggo.

Inihanda ng NDRRMC ang mahigit P3.4 bilyong standby funds para sa food at non-food items para sa mga apektadong indibidwal, ayon kay Posadas.

Hanggang nitong Mayo 26, iniulat ng NDRRMC na hindi bababa sa 513 pamilya o katumbas ng 2,734 indibidwal ang apektado ng bagyo sa Bicol at Eastern Visayas regions dahil sa pagbaha at landslide.

Nasa 38 pamilya o 708 indibidwal naman ang pansamantalang nanunuluyan sa walong evacuation centers, habang nasa mga kamag-anak o kaibigan ang iba.

Suspendido rin air at sea travel sa ilang lugar, kung saan libo-libo ang stranded sa mga pantalan mula noong Sabado. RNT/SA