CAVITE, Philippines – Isang negosyante at contractor ang nasugatan matapos pagbabarilin habang nakatigil sa traffic ang kanilang sasakyan sa Antero Soriano Highway, Barangay Bacao 2, General Trias City, Cavite, noong Setyembre 2.
Kinilala ang mga biktima sa alyas na Mar, 47, contractor at residente ng Barangay Magdiwang, Noveleta, Cavite, at ang kasama nitong si alyas Thony, 32, businessman at residente rin ng lugar.
Sakay ang dalawa ng Toyota Hi-Lux Conquest nang biglang lumapit ang isang armadong lalaki dakong alas-11:30 ng umaga at pinagbabaril sila. Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo.
Agad na isinugod sa ospital si Mar dahil sa tama ng bala. Tumanggi namang magpagamot si Thony na nagtamo lamang ng mga sugat mula sa nabasag na salamin ng sasakyan.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, narekober sa sasakyan ang isang .40 caliber Glock pistol, dalawang magazine, 24 bala, 22 gramo ng Marijuana Kush, at apat na deformed 9mm slugs.
Inilarawan ang suspek na nakasuot ng itim na jacket at violet na helmet habang sakay ng motorsiklo.
Patuloy ang follow-up investigation at pag-backtrack sa mga CCTV footage upang matukoy ang suspek at malaman ang motibo sa pamamaril. MARGIE BAUTISTA