MANILA, Philippines – Nailigtas ng mga otoridad ang isang Filipino businessman matapos kidnapin at ipatubos sa halagang P50 milyon na ransom, sinabi ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) nitong Miyerkules, Pebrero 18.
“Ikinagagalak naming iulat na ang biktima ay ligtas na at kaisa ng kanyang pamilya,” sabi ni AKG chief Police Brigadier General Glicerio Cansilao sa isang press briefing.
Kaugnay nito, sinabi ni Cansilao na tatlong suspek din ang naaresto.
Nabatid na humingi ng tulong ang pamilya ng biktima matapos hindi makauwi ang negosyante at hindi na makontak matapos itong huling makita sa Mandaluyong noong Pebrero 12.
Sa isinagawang pag-backtrack ng CCTV at intelligence operations ay nagpahiwatig na may nangyaring pagdukot sa biktima.
Sinabi pa sa ulat na una nang humingi ng P50 milyon ang mga kidnapper para sa pagpapalaya sa biktima.
Nang lumaon, ibinaba ang halaga sa P4 milyon. Una nang nagsagawa ng digital payments ang pamilya sa mga suspek na nagkakahalaga ng P250,000.
Idinagdag pa sa ulat na noong Lunes, ginamit ng AKG ang mga pagbabayad na ito upang makakuha ng impormasyon sa lokasyon ng mga suspek, naglunsad ng operasyon, at naaresto ang mga suspek.
Sinabi ni Cansilao na may ilang suspek na nananatiling nakalaya, kabilang ang utak sa kidnap for ransom activity.
Inihahanda na ngayon ang mga reklamo laban sa mga suspek, ayon sa pulisya. Santi Celario