MANILA, Philippines – PERSONAL na binisita ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang Metro Pacific Fresh Farms (MPFF) sa San Rafael, Bulacan nitong Miyerkules (Pebrero 18) bilang bahagi ng plano niyang gawing urban farms ang mga bakanteng lupa sa Maynila.
Ipinakita ni MPFF Director Shahar Turgeman kay Domagoso ang operasyon ng greenhouse facility kung saan gumagamit ng controlled-environment agriculture para tuloy-tuloy at episyenteng makapagpatubo ng mga gulay.
Ayon sa alkalde, layunin ng lungsod na gawing taniman ang mga bakanteng espasyo upang mapalakas ang suplay ng pagkain sa Maynila.
Nauna nang nakipagpulong si Yorme Isko sa Singapore Food Agency upang pag-aralan ang mga patakaran sa food safety at pamamahala ng suplay ng pagkain sa matataong lungsod.
Nakipag-usap din ang alkalde sa mga kinatawan ng Israel tungkol sa makabagong teknolohiya sa agrikultura, kabilang ang water-efficient systems at modernong paraan ng pagtatanim na swak sa limitadong espasyo.
Nakipagpulong rin si Yorme sa Department of Agriculture para sa posibleng suporta sa urban gardening programs ng lungsod.
Samantala, siniyasat din ni Domagoso ang 23-ektaryang lupa sa Boystown Manila na pinag-aaralang gawing agricultural site.
Bilang dagdag suporta, tumanggap din ang lungsod ng mahigit ₱463,000 halaga ng training tools mula sa TESDA para sa paghahanda ng mga lokal na training institute sa urban farming. JAY Reyes