Home METRO Nene, 3 pang kapamilya patay sa pamamaril

Nene, 3 pang kapamilya patay sa pamamaril

85
0

MAGUINDANAO DEL NORTE- Patay ang apat na miyembro ng pamilya kabilang batang babae habang sugatan ang tatlong iba pa matapos silang paulanan ng bala ng baril ng mga hindi pa kilalang salarin, kahapon sa Sultan Kudarat.

Kinilala ang mga nasawi na sina Mokaram Sarat, 73; Basit Gampong, 63; at Kadir Sarat Indaw, 29, at Rohana Indao, 10-anyos.

Nilapatan naman ng lunas sa ospital ang magkakapatid na sina Rohamin, Hashim Omar at Noria Indao, lahat ay magkakamag-anak at residente ng Sitio Katorse, Barangay Ladia.

Ayon kay Police Lt. Col. Esmael Madin, hepe ng Sultan Kudarat Municipal Police, dakong ala-1:20 ng hapon naganap ang krimen sa sakahan sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dumating ang mga suspek sakay ng isang hindi rehistradong minivan at agad na pinaputukan ang mga biktima gamit ang mga automatic rifle.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.

Nagtamo naman ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang tatlo na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang masusing imbestigasyon ng pulisya para alamin ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agaran pagdakip. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here