Malolos, Bulacan – Ang pamahalaang lungsod ay mariing kinokondena ang anumang anyo ng karahasan o pangaabuso sa kabataan at mananatiling isang institusyon ng mga karapatan ng bawat kabataang Malolenyo.
Ito ang ipinahayag ng Gobyerno ng Malolos kaugnay sa Facebook post na bidyung nag-viral ng mga batang kinuyog ng gulpi ang kalunos-lunos na babaeng 13 anyos.
Ayon sa report, naganap ang pagkuyog ng anim na mga minor de edad sa 13 anyos na pinagbintangang nagnakaw bandang 7:00 ng gabi nitong Enero 30, Brgy. San Gabriel.
Nabatid na nitong Pebrero 4 nang mabigyan ng kaalaman ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO)sa nangyari, ang Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Mayor Christian Natividad katuwang ang mga awtoridad at Brgy. San Gabriel ay agad nagsagawa ng imbestigasyon at aksyon para tugunan ang nasabing insidente.
Dahil dito, kaukulang tulong at interbasyon na ang ipinagkaloob sa magkabilang panig habang sumailalim na rin sa counselling ang biktima, maging ang psychosocial support at tulong pinansyal ay ipinagkaloob ng CSWDO at DSWD Region 3 sa pamilya nito.
Magkakaroon din ng spiritual at moral values formation counselling ang mga magulang at mga bata habang makikipagugnayan na rin ang mga awtoridad sa kanilang paaralan para maiwasan ang ganitong insidente.
Kaugnay nito, nalamang ang buong puwersa ng City Administrator, CSWDO at City Legal Office ay nakatutok mula sa simula para sa suportang maaring ipagkaloob sa pamilya ng Pamahalaan ng Malolos.(Dick Mirasol III)