Home FOOD Local pancit canton swak sa New York Times’ Best Instant Noodles of...

Local pancit canton swak sa New York Times’ Best Instant Noodles of 2025

MANILA, Philippines – Ang Lucky Me! Pancit Canton Kalamansi flavor ay nakasama sa prestihiyosong “Best Instant Noodles 2025” list ng The New York Times.

Sa isang artikulo noong Enero 2025 na nailathala sa kanilang Wirecutter section, inilahad ang pancit canton brand bilang isa sa mga standout sa citrusy ramen category. Kasama nito ang mga tanyag na international brands tulad ng Thai Mama’s Shrimp Tom Yum Noodles.

Ayon kay Marilyn Ong, supervising editor ng New York Times, ang Lucky Me! Pancit Canton Kalamansi ang pinakamabilis na naubos sa kanilang testing. Inilarawan pa ng artikulo ang noodles bilang “bright and citrusy plus homey and comforting all at once.”

Pinuri rin sa artikulo ang kakaibang timpla ng dry seasoning, soy sauce, at oil packets, na nagbigay ng light soy at sariwang citrus flavor. Binanggit din na ang mga noodles ay “mas manipis at mas curly kaysa sa mga karaniwang instant noodles,” kaya’t nagkaroon ito ng “fluffy” na pakiramdam.

Ang listahan ay ginawa mula sa opinyon ng isang panel ng mga eksperto, kabilang ang mga may-akda ng cookbook, mga reviewer ng ramen, at mga may-ari ng ramen shops. Pinili rin ng editorial team ng Wirecutter ang kanilang mga paboritong noodles sa pamamagitan ng kanilang sariling taste test.

Ang Lucky Me! ay isang brand ng Monde Nissin, isang kilalang kumpanya sa larangan ng instant noodles. RNT