MANILA, Philippines – Dinala sa ospital si Neri Naig-Miranda, ilang araw matapos itong maaresto dahil sa kasong syndicated estafa.
Sinabi ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Jayrex Bustinera na si Naig-Miranda ay inilipat sa isang ospital Biyernes ng gabi, Nobyembre 29.
“Lumabas ang court order na dalhin siya sa ospital not more than 5 days. Ito ay ipinagutos ng judge ng RTC 112 kung saan naka file ang kanyang kaso,” pahayag ni Bustinera sa panayam ng Teleradyo Serbisyo.
“Kagabi po bandang alas 8 ng gabi. BJMP lang ang nagdala, mayroon naman pong 24 security para doon.”
Ang paglilipat ay hiniling ng mga abogado ni Naig-Miranda.
“According sa order ng judge (ito ay) para i-assess ang kanyang medical condition at kanyang well being… Inutusan kami ng BJMP na dalhin siya sa ospital at na-comply naman kami kagabi,” ani Bustinera.
Nang tanungin kung mayroon nang sakit si Naig-Miranda bago pa makulong, sinabi ni Bustinera na ang aktres ay dumaan sa isang medical examination.
“May medical examination naman tayo pagdating (niya),” anang opisyal.
“Chinecheck naman natin bago pumasok sa BJMP. Normal naman.”
Nahaharap si Naig-Miranda sa mga reklamong paglabag sa Securities Regulation Code at syndicated estafa.
Posibleng manatili si Naig-Miranda sa Pasay City Jail Female Dormitory sa Pasko at Bagong Taon matapos na i-reschedule ng korte ang kanyang arraignment sa Enero. RNT/JGC