Manila, Philippines – Dahil sa lumalaking kita at patuloy na subsidiya ng pamahalaan, magkakaroon ng sapat ng pondo ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa bagong benepisyo ng state insurer kahit na gamitin ng gobyerno ang excess funds nito.
Sa panayam, binigyang-diin ni Finance Secretary Ralph Recto na hindi makaaapekto sa benepisyo ng mga miyembro ng PhilHealth, ang paggalaw ng ‘sleeping funds’ nito.
“Yung benefit packages sa mga miyembro ng PhilHealth, dadagdagan sa taon na ito ng mahigit 30%. Tapos ang malulubhang sakit katulad ng breast cancer, binibigay ngayon 100,000 pesos, gagawing 1.4 million. At marami pang iba,” paliwanag ni Recto sa panayam sa DZBB.
“Madaragdagan ang benepisyo ng PhilHealth, at kahit dadagdagan ‘to, malaki pa ang kita ng PhilHealth, at ‘yung kinuha lang natin dito ay ‘di galing sa contributions ng members; ito ay galing sa subsidiya ng gobyerno,” dagdag na kalihim.
“In fact ang gobyerno next year ay magbibigay na naman ng 70 billion sa PhilHealth. Sapat na sapat, dadagdagan ang benepisyo.”
Aniya, mahigit kalahating trilyong piso ang nasa kaban ng PhilHealth, sapat na para sa kanilang gastusin sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon.
“By the end of this year, 550 billion pesos ang pondo ng PhilHealth. Kahit na dalawa o tatlong taon, sapat ‘yung pondong yan,” ani Recto, dating mambabatas at may akda ng Universal Health Care law.
Dagdag niya, aabot sa P61 bilyon ang net income ng PhilHealth pagkatapos ng taong ito.
Sabi ni Recto, patuloy ang pagtaas ang kita ng PhilHealth sapul pa noong 2019. Nang taong iyon, P4 bilyon ang kita ng PhilHealth at naging P30 bilyon noong 2020. Lumobo pa ang kita as P48 bilyon noong 21; P79 bilyon noong 2022 at P173 bilyon naman noong 2023.
Sa naturang panayam, Ibinunyag ni Recto na ang P20 bilyon ang excess funds ng PhilHealth ay nagamit na para sa health emergency allowance ng mga health worker at frontliner. RNT