MANILA, Philippines- Hinikayat ng Malakanyang ang ilang senator-judges na ipakita ang kanilang ‘neutrality’ at hindi ang kanilang ‘personal bias’ sa nakabinbing impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
”Sa batas naman po, sinasabi na kapag kayo ay tumayong senator-judges, dapat mayroon kayong neutrality, dapat hindi bias. Sa ngayon po, harap-harapang ipinapakita ang biases,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang hingan ng komento hinggil sa hayagang pagpapahayag ng suporta nina Senador Imee Marcos at Robin Padilla kay VP Sara sa isang event sa Kuala Lumpur nito lamang Independence Day.
“Sana po, igalang nila ang taumbayan at magpakita naman ng kaunting kahihiyan, dahil ang sinisilbihan nila ay ang taumbayan, hindi para sa iisang tao lamang,” ayon pa kay Castro.
Kasama ni VP Sara ang dalawang senador sa naging biyahe nito sa Malaysia.
Sa naging ulat, umakyat ng entablado si Padilla nang idaos ang nasabing event, dinaluhan ng overseas Filipino workers, at idineklara si VP Sara bilang “next president of the Philippines.”
“Gusto ko muna kong mabigay-pugay unang-una sa susunod na pangulo na si Inday Sara Duterte,” ang sinabi ni Padilla na sinundan naman ng pagbigkas ng mga tao ng “Duterte”.
“Ang sarap! Kapag sinisagaw mo lalo akong tumatapang eh!” ang sinabi pa ni Padilla.
Nanawagan naman ng suporta si Imee Marcos para kay VP Sara.
“Samahan ninyo ako na tayong lahat, sa likod ni VP Inday Sara Duterte, ay maninindigan para sa bayan, para sa konstitusyon, para sa ating bansa, dahil tayo ay malayang mamayang Pilipino, ang mga tunay na hukom ng bayan,” wika ni Imee Marcos.
Tinukoy ni Imee Marcos ang hindi nila pagsusuot ni Padilla at Sen. Cynthia (Villar) ng robe ng senator-judges, Miyerkules ng gabi.
“Alam po ninyo, dalawang gabi, isang gabi, hilo na kami. Tumayo kami bilang hukom at nagsuot ng damit bilang hukom. Nakita siguro ng iba sa inyo. Pero kami, mga pasaway ni Robin, hindi kami nagsuot. Ayaw namin nun, pangit. It’s not my color. Alam po ninyo, ang totoo, tumayo kami pagkat kaakibat ng kalayaan ang responsibilidad na maging patas at marangal,” ang winika pa rin ni Imee Marcos.
Nauna rito, matapos ang ilang oras na deliberasyon, nagdesisyon ang Senado na ibalik sa House of Representatives ang articles of impeachment laban kay VP Sara.
Noong Martes, June 10, bumoto ang mga senador sa ipinasang mosyon ni Sen. Alan Peter Cayetano na ibalik ang impeachment complaints ng bise presidente sa Kamara.
Ang Senado ang tumatayong impeachment court laban sa reklamo kay VP Sara.
Inaprubahan ng 18 sa mga senador ang inihaing mosyon ni Sen. Cayetano habang ang lima naman ay kumontra na ibalik sa Kamara ang impeachment complaint laban sa bise presidente.
Giit ni Sen. Alan Cayetano, hindi nangangahulugang dismissed o concluded na ang kaso sa kanilang pagbabalik ng articles of impeachment sa Kamara.
Ang 18 senador na bumoto at pumanig sa naturang mosyon ay sina Cayetano, Ronald “Bato” dela Rosa, Bong Revilla, Imee Marcos, JV Ejercito, Bong Go, Loren Legarda, Robinhood Padilla, Jinggoy Estrada, Francis Tolentino, Joel Villanueva, Pia Cayetano, Lito Lapid, Cynthia Villar, Mark Villar, Juan Miguel Zubiri, Raffy Tulfo, at Chiz Escudero.
Samantala, ang lima namang hindi pumayag sa inihaing amended motion ni Sen. Alan Cayetano ay sina Koko Pimentel, Risa Hontiveros, Nancy Binay, Grace Poe, at Sherwin Gatchalian.
Matatandaang una nang naghain ng mosyon si Sen. dela Rosa na ibasura ang impeachment complaints laban kay VP Sara. Kris Jose