MANILA, Philippines- Tinatayang nasa mahigit P8 milyong halaga ng “high-grade marijuana” o Kush ang naharang makaraang madiskubre ito sa mga inabandonang parsela sa Central Mail Exchange Center sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Nabatid sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na natuklasan ng mga awtoridad noong Biyernes ng umaga, at nadiskubre ang mga droga, na may kabuuang bigat na 5.7 kilo, sa 10 abandonadong parsela.
Ayon sa PDEA, ang mga parsela ay nagmula sa iba’t ibang mga address sa bansang Thailand at ipadadala sana sa iba’t ibang lugar sa buong Metro Manila at isa sa Iloilo.
Nabatid na ang mga parsela ay idineklara na naglalaman bilang mga bagay tulad ng mga scarf ng kababaihan, bigas, pinatuyong prutas, at mga laruan ng sanggol.
Napag-alaman na ang mga nasabing parsela ay isinailalim sa pagsisiyasat matapos na ma-tag ang mga ito bilang inabandona sa hindi natukoy na bilang ng mga buwan nang walang naghahabol. Isinailalim sila sa K9 inspection sa utos ng Bureau of Customs.
Sinabi ng ahensya na walang ginawang pag-aresto ang mga awtoridad, ngunit ang ebidensya ng droga ay ipinadala sa PDEA Laboratory Service para sa pagsusuri bilang bahagi ng paghahanda sa pagsasampa ng mga kaso para sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Dangerous Drugs Act. JAY Reyes