NANINDIGAN ang National Grid Corporation of the Philippines na hindi sila nagkulang sa kanilang mandato mula sa trasmission ng kuryente na nanggagaling sa mga producer patungo sa mga grid-connection sa bansa.
Ayon sa pahayag ng NGCP, bilang isang transmission service provider ay maari lamang silang magbigay ng overview ukol sa kasalukuyang “supply and demand situation” at matiyak na maipagkaloob ang lahat ng posibleng suplay ng kuryente.
Inulit pa ng NGCP ang kanilang naunang pahayag na “walang transmission disturbance bago ang pag-trip ng PEDC Unit 1 (83MW) noong alas-12:06 ng tanghali. Matapos ang kaganapan, nagawang mabawi ng NGCP ang transmission system at gawing normal ang boltahe.
Sinabi pa ng grid, ang normal na sitwasyon ng boltahe ay nagpatuloy hanggang sa ilang mga power plant na hindi maipaliwanag na na-trip noong alas-2:19 ng hapon.
Iginiit pa nito na base sa kanilang data system, walang abnormalidad na ipinakikita ang kanilang system sa boltahe at system stability.
Tinukoy ni NGCP na sa kabila ng batikos at paninisi sa kanila, ipinipilit pa rin nila na ang katotohanang problema ay ang unplanned shutdowns ng power generators.
“It is alarming to hear policymakers immediately make conclusions based on assumptions contrary to fact. We are firm in our position that the system prior to the 2:19PM multiple tripping was normal, and our actions were undertaken within protocols. Any contrary statement is speculative,” paliwanag ng NGCP.
Pinabulaanan din ng NGCP ang akusasayong na nabigo sila sa kanilang obligasyon na mapanatiling maayos ang transmission system.
Kasunod nito, pinasinungalingan ng NGCP ang akusasyon na hindi sila transparent sa publiko sa pagbibigay ng impormasyon.
Tinukoy ng NGCP na regular silang nagbibigay ng impormasyon sa kanilang stakeholders kabilang na ang media at local government units sa pamamagitan ng print, radio, broadcast, social media at text blasts.
Hiniling ng NGCP sa mga mambabatas na imbes na manisi at gamitin pa ang ilang sektor ay mabuti pang maging patas ito sa paghahanap at pag-aalam ng katotohanan ukol sa insidente.
“This is not a time to push personal or political agendas, but a time for honest-to-goodness solution finding. We again reiterate our push for a comprehensive industry-wide approach to resolve the persistent power supply issues on Panay Island and elsewhere in the country,” dagdag pahayag ng NGCP.
Kaugnay nito tiniyak ng NGCP sa lahat ng kanilang stakeholders na agarang silang makikipagtulungan sa pamahalaan at lgud upang agarang masolusyunan ang problemang kanilang kinakaharap.
Naunang binatikos ng ilang mambabatas ang NGCP dahil sa pagkakaroon ng malawakang black out sa Panay Island na malaki ang naging epekto sa kabuhayan lalo na ng maliliit na mga negosyante na dahil sa kawalan ng suplay ng kuryente at nabulok ang karamihan sa kanilang mga paninda.
Sinabi naman ni Sen. Raffy Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Energy, ang paulit-ulit na kabiguan ng NGCP na gawin ang obligasyon nito sa pagpapatakbo, pananatili at pagpapaunlad ng power grid ng bansa ay sapat na basehan upang bawiin ang naipagkaloob na prangkisa rito.
Sa pagbatikos, sinabi ni Tulfo, na hindi na lang isang beses nabigo ang NGCP na paunlarin o patatagin ang grid na siyang pangunahing dahilan kung kaya’t nagkaroon ng malawakang power outage sa buong Panay Island at Negros noong Abril 27-29, 2023 at nitong pagpasok ng Enero, 2024.
Samantala, binatikos naman ni ACT Teacher Partylist Rep France Castro ang More Electric and Power Corporation sa pagkawala ng kuryente sa buong Panay Island.
Sinabi ng mambabatas na hindi lang ang NGCP ang dapat sisihin subalit maging ang More Electric and Power Corporation dahil sa kawalan nito ng paghahanda na naging ugat ng nang pagkabigla ng mga residente at mamamayan sa Isla ng Panay at ilang bahagi ng Negros.
Nagkulang man o hindi, dapat man sisihin o hindi, dapat pagbutihin pa ng NGCP ang kanilang serbisyo sa Region 6 o Panay Island.