Home OPINION SUSPENSYON SA SMNI SABLAY

SUSPENSYON SA SMNI SABLAY

SABLAY ang paglalarawan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagkakasuspinde ng Movie and Television Review and Classification Board sa radio station na Sonshine Media Network International.

Para sa dating Pangulo, nagpadalos-dalos ang MTRCB sa aksyon nito at ‘malamang sa alamang’ eh may nakapag-utos pa rito na suspindihin ang kanyang programa sa nasabing radio station na “Gikan sa Masa, Para sa Masa”.

Ito raw ay paglapastangan sa kanyang karapatan at paglabag sa malayang pagpapahayag ng saloobin, at ng ‘press freedom’.

May punto siya, para sa ganang akin. Dahil kung ang pinag-basehan ng MTRCB ay ang kaso lamang na isinampa ni ACT Party-list Rep. France Castro laban kay Duterte, eh talagang masasabi ko na panggigipit na ito.

Sabi nga ng kanyang dating tagapagsalita at legal adviser na si Atty. Salvador Panelo ang tirada ng MTRCB ay “patently unconstitutional.”

Isinabit na din ni Panelo ang National Telecommunications Commission na siyang nagkumpas ng tirada ng MTRCB, na ora-orada at ‘di man lang dinaan sa ‘due process’.

Magbubunga raw ito ng maling halimbawa na maaaring samantalahin ng iba pang ahensiya ng pamahalaan sa mga darating pang panahon o pagkakataon.

Pag-yurak nga raw ang suspension sa freedom of the press, paliwanag pa ni Panelo.

Censorship nga naman itong maituturing, dahil binubusalan ng MTRCB at NTC ang kalayaan ng SMNI na maghayag ng mga balita sa publiko.

Sinisikil nito ang karapatan ng mga host ng mga programa ng radio station at ang kanilang kalayaang ihayag ang kanilang mga damdamin pati na ang karapatan ng kanilang mga taga-pakinig.

Ang padalos-dalos na pagkilos sa anomang pagkakataon o sitwasyon ay kadalasang nauuwi sa di kaaya-ayang pangyayari.

Kaya dapat, pinag-isipang maigi ito ng MTRCB at NTC nang di sila nalagay sa alanganing sitwasyon.