Lumagda ng isang Memorandum of Agreement (MOA) ang National Housing Authority (NHA) at Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFIDA) upang magbigay ng mga programang pangkabuhayan sa mga benepisyaryo ng NHA. Layunin ng kasunduan na lumikha ng mga sustainable na komunidad sa pamamagitan ng dekalidad na pabahay at inklusibong pag-unlad.
Sa ilalim ng kasunduan, magsasagawa ang PhilFIDA ng mga pagsasanay sa paggawa ng mga produktong gamit ang hibla tulad ng handmade paper, scrunch, macrame bag, handicraft, at handloom weaving. Layunin nitong bigyan ang mga benepisyaryo ng mga kasanayan para magsimula ng negosyo gamit ang lokal at natural na hibla.
Dumalo sa MOA signing si Officer-in-Charge ng NHA Community Support Services Department, Donhill Alcain, at si PhilFIDA Executive Director Arnold Atienza, na nagpasalamat sa partnership at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagsasanay na ito. Dumalo rin si Concepcion D. Jocson mula sa Fiber Utilization and Technology Division ng PhilFIDA. (Danny Querubin)